AdU-wanna lose: Lady Spikers, tumalílis sa tangkang pagpagaypay ng Lady Falcons

Kuha ni Jean Carla Villano

NAKAWALA ang De La Salle University Lady Spikers sa bitag na inihanda ng Adamson University Lady Falcons, 19–25, 25–20, 25–21, 13–25, 15–5, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 11.  

Kuminang para sa Berde at Puting hanay si veteran outside hitter Angel Canino matapos magpasabog ng triple-double performance bitbit ang 19 na puntos, 12 excellent dig, at 11 excellent reception.

Sa kabilang dako, hindi nagpatinag sa hampasan si open hitter Frances Mordi nang pangunahan niya ang kampanya ng mga naka-asul tangan ang 22 puntos mula sa 19 na atake at tatlong block.

Malabagyong puwersa ang bumungad sa depensa ng Lady Spikers matapos tangkehin ng dynamic duo ng Adamson na sina team captain Shaina Nitura at Mordi ang opensa ng koponan nang magpaulan ang dalawa ng pinagsamang 16 na puntos, dahilan upang makuha nila ang unang yugto ng laban, 19–25.

Mabilisang itinarak ni middle blocker Lhouriz Tuddao ang malapunyal na running attack sa butas na zone 5 ng La Salle, 3–6, na agad namang sinagot ni team captain Shevana Laput sa bisa ng isang hulog mula sa likod, 11–9. 

Sinubukan pang gumawa ng ingay ni Nitura gamit ang tatlong magkasunod na puntos mula sa open, 14–all, bago tuluyang umalagwa ang Taft mainstays na umukit ng kanilang sariling bersiyon ng 4-0 run sa pangunguna ni Canino, 25–20.

Ibinalandra ng Lady Spikers ang kanilang katikasan sa blocking department nang magtala ang koponan ng pitong block sa inisyatiba ni middle blocker Lilay Del Castillo, dahilan upang mahirapan pumuntos ang wing spikers ng Lady Falcons, 25–21.

Gamit ang presensiya sa net na naging susi ng Taft-based squad upang makaabante sa laban, sa service game naman namuhunan ang San Marcelino-based squad sa ikaapat na yugto. 

Bunsod ng mabibigat na service ng Adamson, nawala sa wisyo ang reception ng La Salle na siyang sinamantala ni setter Fhei Sagaysay upang paikutin ang opensa sa mga middle at wing spiker ng Adamson upang maitabla ang laro, 13–25.

Wala nang pinalampas na pagkakataon ang undefeated team pagpatak ng ikalimang set nang magtuloy-tuloy ang pagtibag ni Laput sa nagkukumahog na depensa ng Lady Falcons, 10–5, bago tuluyang wakasan ni outside hitter Shane Reterta ang laban sa bisa ng dalawang magkasunod na atake, 15–5.

Bunsod ng matagumpay na pagkulong sa mga ibong nagnanais makawala, bibitbitin ng Taft-based squad ang 6–0 panalo–talo kartada sa kanilang muling pag-asinta sa defending champions National University Lady Bulldogs sa SM Mall of Asia Arena sa Linggo, Marso 15.