Lady Batters, nasindak sa matayog na lipad ng Adamson Softball Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NANLATA ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Lady Batters sa sigasig ng Adamson University Softball Team, 1–3, sa pagsasara ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Softball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 10. 

Hinadlangan ng mahigpit na depensa ni San Marcelino mainstay Glory Alonzo ang pagratsada ng Lady Batters.

Umabante naman ang panig ng Taft nang pumasok sa center field ang tirada ni Lady Batter Cassandra Inot upang sikwatin ang unang puntos ng laro sa ikaapat na inning, 1–0.  

Sinikap pa ni DLSU pitcher Laira Silverio na patatagin ang kalamangan ng Lady Batters, ngunit gumuho ang depensa ng panig ng Taft nang ilista ni Daniela Cabangon ang isang throwing error na sinamantala ni Adamson batter Mae Langga upang umabante si Jhaycel Roldan.

Pumalya muli ang depensa ng La Salle nang lumusot ang isang passed ball—pagkakamaling sinamantala ni Jeelyn Pajotal upang pauwiin sina Jhaycel Roldan, Mae Langga, at Neomay Mahinay sa homebase sa pagsasara ng ikaapat na inning. 

Sinubukan pang humabol ng Lady Batters, ngunit tuluyang nang ikinandado ng mga palkon ang panalo, 1–3.

Bitbit ang 1–3 panalo-talo kartada, pumuwesto ang Berde at Puting koponan sa ikaapat na ranggo sa pagsasara ng unang yugto ng torneo.