Diwa ng Katarungan: Fr. Flaviano Antonio Villanueva, kinilala sa Ka Pepe Diokno Award 2026

Kuha ni Angel Kieth Par

IGINAWAD ng De La Salle University (DLSU) Tañada-Diokno School of Law (TDSOL) at Jose W. Diokno Foundation ang Ka Pepe Diokno Award kay Rev. Fr. Flaviano “Flavie” Antonio Villanueva, SVD sa idinaos na Ka Pepe Diokno Award 2026 sa Caroline L. Tanchay Auditorium sa kampus ng Rufino ng DLSU nitong Pebrero 26. 

Binigyang-parangal si Fr. Flavie kasabay ng paggunita sa ika-104 na kaarawan ni dating Senador Jose “Ka Pepe” Diokno.

Pagpapatibay ng paninindigan 

Binuksan ang programa sa isang banal na misa na pinangunahan ni Fr. Hernan Mendoza. Sinundan naman ito ng pambungad na salita ni TDSOL Dean Atty. Virgilio De Los Reyes na tumalakay sa patuloy na pagsasabuhay ng pamana at mga pagpapahalagang iniwan ni Ka Pepe Diokno sa loob ng Pamantasan.

Ipinahayag ni Dr. Maria Serena Diokno ang kaniyang paniniwala sa adhikaing pagtatanggol sa karapatang pantao at pagpapanagot sa mga lumalabag sa batas. Inilahad din niya ang kahalagahan ng pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya sa pagsusulong ng katarungan. 

Binigyang-pugay si Fr. Flavie sa kaniyang huwarang paninindigan at paglilingkod na nagsasabuhay sa mga adhikain ni Ka Pepe Diokno. 

Tinukoy naman ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC ang diwa ng parangal bilang pagkilala sa banal at makataong tungkulin ng pagtatanggol sa buhay, marangal na pamumuhay, at karapatan. “Defending the most fundamental right. . . is not merely legal [nor] political, it is holy, it is human, and it is transcendent,” paninindigan niya.

Kinilala rin niya ang tapang at malasakit sa pagsasabuhay ng katarungan bilang bokasyon na lubos ding pinapahalagahan ng naturang parangal. 

Pananampalatayang kumikilos

Inialay ni Fr. Flavie ang natamong parangal sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings at sa kaniyang mga naging katuwang sa paglilingkod sa komunidad. Taos-puso ring nagpasalamat si Fr. Flavie sa suporta mula sa mga taong itinuturing niyang kapatid na kaniyang naging kanlungan tulad ni Superior General Br. Armin Luistro, FSC.

Naninindigan siyang hindi kailanman dapat maging batayan ng dignidad at karapatan ang anumang kalagayan ng tao. “Human [rights is] not [just] a political posture. . . It is a moral obligation. . . When silence becomes more convenient than truth, conscience must speak,” paliwanag niya.

Patuloy naman na nagbibigay-inspirasyon sa kaniya ang karanasan sa pakikisalamuha sa komunidad lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga taong walang tahanan na kinupkop ng Kalinga Center. 

Sa likod ng tapang at habag

Ibinahagi  ni Fr. Flavie sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pagkilalang natamo, gayundin ang kabang kaniyang nadarama dahil sa tungkulin at responsibilidad na kaakibat nito bilang pagsunod sa yapak ni Ka Pepe Diokno. Gayunpaman, itinuturing niya itong pagpapala na mag-uudyok sa kaniya upang patuloy na maglingkod, lumaban, at tumindig bilang tinig ng mga taong natatapakan ang mga karapatan.

Mahalaga para kay Fr. Flavie ang matibay na konsensiya sa paghahanap ng katotohanan. Pinananatili rin niya ang pagsusuri sa sarili at sa mga adhikaing dapat nakasentro sa pananampalataya sa Diyos.

Tinukoy rin niyang hindi maihihiwalay ang konsensiya sa pananampalataya sapagkat dapat itong nakaugat sa Kristiyanong paghubog. “Kung hindi, baka ibang klaseng pagtindig o [pagtupad] sa misyon ang mangyari [at] mauwi [ito] sa gulo,” pagbibigay-babala niya.

Tangan niya ang aral ng dangal ng tao na nagmumula at sumasalamin sa dangal ng Diyos sa kaniyang pagkakawanggawa. Iginiit niyang dapat na ipagtanggol ang dignidad ng tao lalo na sa mga insidente ng karahasan mula noong taong 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Inilahad ni Fr. Flavie na nagmumula ang mga paninindigang ito sa tungkuling inaatas ng Diyos na tumatayo bilang moral na gabay ng isang tao. Ito rin ang nagtutulak sa mga tao na patuloy na maglingkod at manindigan.

Matapang na sumusuong si Fr. Flavie sa panganib na kaakibat ng pagtindig dahil kasangga niya ang kaniyang pananampalataya at ang sakramentong nagbibigay-lakas upang magpatuloy sa laban para sa karapatan, dignidad, karatungan, at pananagutan.