
NAKALASAP ng unang panalo ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos pabagsakin ang University of the East (UE) Red Warriors, 27–25, 25–23, 17–25, 25–17, sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 7.
Pinangunahan ni Best Player of the Game Chris Hernandez ang Taft-based squad bitbit ang 17 atake.
Umagapay naman sina middle blocker Issa Ousseini at outside hitter Eugene Gloria tangan ang tig-15 puntos.
Dikdikang bakbakan ang bumulaga sa dalawang koponan sa pagbubukas ng unang set hanggang sa makamkam ng UE ang bentahe sa bisa ng 3-0 run, 14–18.
Gayunpaman, magkasunod na puntos ang itinala nina Gloria at Ousseini upang itabla ang talaan, 21–all, bago inilista ni Ousseini ang kaniyang service ace para sikwatin ang set, 27–25.
Pagdako ng ikalawang set, namayani si Kapitan Iasaiah Roca para sa Recto-based squad upang itabla sa 22–all ang kartada.
Subalit, agad na sinaklolohan ito ni Hernandez gamit ang kaniyang matutulin na tirada at sinabayan pa ng solidong floor defense ng Taft-based squad upang tuluyang maikandado ng DLSU ang ikalawang set, 25–23.
Rumatsada sa ikatlong set ang UE matapos nito samantalahin ang mga error ng Green Spikers.
Ibinandera pa nina outside hitter Arjay Magallanes at middle blocker Eric Layug ang opensa ng La Salle ngunit kinapos sa nagliliyab na mga kamay ng nakapulang koponan, 25–17.
Tangan ang determinasyon, maagang nagpasiklab ang Berde at Puting koponan sa ikaapat na set. Nagpaulan ng sunod-sunod na atake sina Ousseini at Hernandez upang makuha ang malawak na bentahe, 11–5.
Tuluyan nang ipinihit ni outside hitter Uriel Mendoza tungong Taft ang manibela nang maglista ito ng magkasunod na puntos na sinegundahan ng matibay na net defense upang ilista ang unang panalo sa torneo, 25–17.
Bitbit ang isang panalo at apat na talo, kahaharapin ng Green Spikers ang Adamson University Soaring Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-9:00 n.u. sa Miyerkules, Marso 11.
