Meraki Nights: Haranang para sa bawat hugis ng pag-ibig

Kuha ni Florence Osias

Nagtagpo ang musika at pag-ibig sa isang gabing kumikislap sa pagitan ng liwanag at dilim. Mula sa iba’t ibang landas, hinabi ang bawat diwa sa iisang damdamin, habang unti-unting nahawi ang katahimikan. Kasabay ng tumutugtog na musika, damang-dama ang kabog ng pagtibok ng mga pusong sumusunod sa iisang ritmo.

Bilang pagdiriwang ng pag-ibig, pinangunahan ng Valentine’s Bazaar ng University Student Government’s ang “Meraki Nights: Harana Music Fest” sa Cory Aquino Democratic Space (CADS) nitong Pebrero 11. Nagbukas ang entablado para sa iba’t ibang pagtatanghal na naghatid ng koneksiyon sa mga Lasalyano. Sa pamamagitan ng musika, binuhay ng kauna-unahang konsiyerto ang isang gabing hitik sa mahika ng pagmamahal. 

Paglikha mula sa puso

Bago ganap na maunawaan ang diwa ng gabi, tumatak sa mga manonood ang pambungad na mensahe ni Maria Lourdes “Blu” Fajardo, ang pinuno ng DLSU-PUSO. Aniya, mahalagang maglaan ng sandaling paghinto upang kilalanin at pahalagahan ang mga ugnayang nagbibigay-saysay sa ating pang-araw-araw na buhay. Hindi lamang sa romansa umiikot ang pag-ibig—nabubuhay din ito sa pamilya, samahan ng barkada, at komunidad.

Sa masiglang sayaw at kantang hango sa Korean pop, pinangunahan ng AJA ang pagbubukas ng pagtatanghal na agad nagpasigla sa entablado. Sa enerhiyang hatid ng kanilang sabayang pag-indak, nahikayat ang mga manonood na makisabay sa ritmo at makiisa sa pulso ng paligid. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ng grupong iniaalay nila ang kanilang pagtatanghal bilang bunga ng pagmamahal sa sining at sayaw na kanilang kinagigiliwan. 

Sinundan ito ng mga set nina DJ Prince at DJ Ports na nagpaigting sa sigla ng gabi. Sa iba’t ibang laro ng musikang kanilang inihanda, napuno ng nagkakaisang indayog ang paligid. Nadadala ang mga manonood sa ritmo at kasiyahang dala ng bawat nota. 

Tumindi ang emosyon ng gabi nang umakyat sa entablado ang Fitterkarma, na naghatid ng mga awiting tumagos sa pagitan ng pighati at pag-ibig. Sa kanilang pag-awit ng “Kanibalismo” at “Sumpa,” ramdam ng madla ang bigat ng damdaming dumadaloy mula sa boses ng banda. Nagmistulang alon ng emosyon ang mga matang napapikit at mga tinig na marahang nakisabay sa naghahalong ligaya at hinagpis dulot ng mga awitin.

Harana patungo sa hiyaw

Matamis na timpla naman ang inihain ni Jason Dhakal sa kaniyang suwabe at tila nanghaharanang estilo ng pagtatanghal. Sa bawat pagdaloy ng kaniyang malambing na himig sa mga orihinal na awiting “Dalawa” at “Your Man,” ramdam ang lambot ng kaniyang boses na humahaplos sa pandinig ng bawat nakikinig. Hayag niya sa APP na likas na sa kaniyang pagkatao at hango sa sariling karanasan ang mga musikang iniaalay niya.

“I just love love,” amin niya sa APP, at sa kaniyang bawat galaw, nasaksihan ng mga Lasalyano ang wagas niyang pagyakap sa pag-ibig. Dumaloy ang pagmamahal na ito sa kaniyang mapang-akit na tinig habang inihahain ang sariling bersiyon ng mga pamilyar na kantang “Awitin Mo, Isasayaw Ko” at “Para sa Akin.” Sa kaniyang malumanay na tono sa gitna ng ilaw ang nagbigay ng isang mapayapa at romantikong sandali sa buong gabi.

Bilang huling tagapagtanghal, sinalubong ng naglalagablab na hiyaw ng pagod ngunit sabik na madla ang Lola Amour. Sa pambungad na “Namimiss Ko Na,”’ agad nilang pinaliyab ang entablado at binihag ang atensiyon ng lahat. Mula sa tamis ng “Fallen,” sa marahang pag-amin ng “Dahan-Dahan,” hanggang sa hapdi ng “Pwede Ba”—nagsilbing pahina ang bawat kanta sa mga kuwentong sumasalamin sa iba’t ibang anyo ng pag-ibig. Pinaalala naman ng “Lambing” ang hangganan ng mga pusong lumalampas sa pagkakaibigan.

Higit sa mga liriko, matatagpuan ang tunay na kaluluwa ng kanilang musika sa bawat emosyong sumisibol sa kanilang pagtugtog. “The way we choose our songs for our setlist is depende naman talaga sa tingin naming mas magandang flow of energy for the crowd,” sambit ni Pio Dumayas ng Lola Amour sa APP

Hindi hinayaan ng bandang humupa ang init ng gabi, at patuloy na nag-alab ang enerhiya sa bawat sulok ng paligid. Bilang huling pasabog, niyanig ng “Raining in Manila” ang CADS habang sabay-sabay na tumatalon ang mga tao sa gitna ng matinding saya. Selyado na ang gabi sa isang karanasang naging ganap na sandigan ng sining.

Diwa ng laganap na pagmamahal

Humalik sa entablado ang pagpupugay sa iba’t ibang anyo ng pag-ibig. Ipinamalas ng bawat mang-aawit ang romantikong damdamin na hindi lamang nakakulong sa pagmamahal. Dumaloy sa puso ng bawat nakikinig ang kanilang musika at naghatid ng lunas sa mga sugat ng nakaraan, kasabay ng pag-alay ng parangal sa katapangang mahalin ang sarili nang buong-buo.

Isang pagpapatunay ang gabing ito na nagmumula sa pusong tunay na nagagalak sa kaniyang ginagawa ang pinakamagandang daloy ng enerhiya. Kaya nang maglaho ang huling palakpakan, naiwan ang isang bakas na hindi kayang burahin ng katahimikan. Mananatili sa alaala ng lahat ang mga linyang tumagos sa puso, lampas sa anomang hiyawan.

Nasaksihan ang pagsilang ng tunay na ‘Meraki’—isang wagas na pag-aalay ng puso, kaluluwa, at pagkatao sa sining.