
MASINING NA PINASIKLAB ng iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Culture and Arts Office (CAO) ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa isinagawang Diwa ng EDSA: Paggunita sa Sining sa pangunguna ng Committee on National Issues and Concerns (CONIC) sa De La Salle University (DLSU) Corazon Aquino Democratic Space nitong Pebrero 23.
Alaala ng kasaysayan
Mainit na sinalubong ni CAO Director Larissa Nodalo ang pagbubukas ng programa sa pagbibigay-diin sa mahalagang papel ng sining sa pakikibaka para sa demokrasya partikular na noong sumiklab ang EDSA.
Binigyang-diin ni Nodalo na hindi natatapos ang rebolusyon dahil nananatili ang parehong mga suliraning kinahaharap ng lipunan. Binalaan din niya ang publiko sa panganib ng pagbaluktot ng kasaysayan upang linlangin ang kabataan. “Patuloy nating gamitin ang pagiging malikhain para mabuhay ang diwa ng EDSA,” paalala ni Nodalo.
Pinalalim pa ni CONIC Director Jazmin Llana ang kabuluhan ng paggunita ng EDSA sa gitna ng mga hamon sa kasalukuyang panahon. Tinalakay niya ang naging papel ng mga Pilipinong manlilikha at aktibista sa pakikibaka laban kay dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. na pasimuno sa pagpataw ng Batas Militar.
“Mahalagang maunawaan natin na ang nangyari sa EDSA noong 1986 ay hindi biglaan. . . Bunga ito ng mahabang pakikibaka para sa panlipunang pagbabago,” pagbabalik-tanaw ni Llana.
Itinampok din ni Llana ang ilang mga likhang-sining na nagpupumiglas noong panahon ng diktadurya ni Marcos Sr. tulad ng Iyon pang Isang Kamay, Dali! (1974) ni Intaglio, Justice Under Martial Law (1980) ni Orlando Castillo, at Hulagpos (1986) ni Imelda Calipe-Endaye.
Ibinahagi rin niya ang mga pelikula, dulang panteatro, at mga awiting inilabas noong kasagsagan ng Batas Militar at EDSA. Kabilang na rito ang pelikulang Bayan Ko: Kapit sa Patalim ni Lino Brocka, dula tungkol sa 1985 Escalante Massacre ng Teatro Obrero, ang awiting Tatsulok na orihinal na ginawa ng bandang Buklod, at Ang Masa ni Chino Toledo at University of the Philippines Symphony Orchestra.
Sining bilang instrumento
Binuksan ng Innersoul ang entrada ng entablado sa kanilang marubdob na pag-awit ng sariling bersiyon ng Bayan Ko upang manawagan sa pagpapaigting ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan.
Sinundan naman ito ng isang makapangyarihang pagsasalin-sayaw ng Oda sa EDSA ni Galileo de Guzman Castillo na itinanghal ng La Salle Dance Company–Contemporary.
Hindi rin nagpahuli ang DLSU Harlequin Theatre Guild (HTG) sa pagtatanghal ng kanilang dulang musikal na Halimaw na nagtampok ng mga kuwento ng ordinaryong Pilipino na hindi nailalathala sa mga libro.
Masining na tinapos ng DLSU Chorale ang programa sa pag-awit ng Handog ng Pilipino sa Mundo na isang piyesang sumisimbolo sa pagkakaisa at lakas ng taumbayan noong pinatalsik si Marcos Sr. sa kaniyang puwesto.
Lagablab ng nag-iisang diwa
Ipinunto ni Center for Social Concern and Action Director Anna Lyn Bandagosa ang kongkretong papel ng sining bilang pakikibaka ng sambayanan. “Ngayong hapon, nasaksihan natin kung paano naging sandata ang sining, hindi upang manakit. . . kundi upang [bumuo] ng mas makatarungan na lipunan. Ang sining ay pakikibaka,” pagninilay niya.
Ibinahagi ni HTG Associate Company Manager Jacint Alexis Rodriguez sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel na masusing pananaliksik at kolektibong pag-unawa sa kasaysayan ang nagsilbing pundasyon ng kanilang pagtatanghal. Layon ng grupo na isadula ang mga pangyayari noong Batas Militar at EDSA upang bigyang-boses ang mga kuwentong nananatiling lingid sa kaalaman ng mamamayan.
Tahasang iginiit naman ni Llana ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng ganitong mga inisyatiba. “[Kapag] walang ganitong mga attempts na [magsagawa ng mga ganitong programa], walang mangyayari. Matatalo na agad tayo,” diin niya.
Ipinaliwanag ni Llana na nakaugat sa Lasalyanong pagpapahalaga ang pakikilahok sa mga gawaing panlipunan at isinasakatuparan ito ng Pamantasan sa mga social engagement at mga malikhaing platapormang tumutugon sa responsibilidad nito sa komunidad. Hinihimok din niya ang kabataan na palakasin ang kanilang presensiya sa darating na halalan.
Hinikayat naman ng Lasalyanong si Gerard Borja ang kabataang maging kritikal at bukas sa mga usaping panlipunan at sa aktibong pagbabahagi ng opinyon, impormasyon, at paninindigan sa kapuwa Pilipino. Ikinintal din niya ang kahalagahan ng pakikilahok sa sining upang masaksihan ang iba’t ibang pananaw na hindi karaniwang nakikita sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Pinatunayan ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA na nananatiling makapangyarihang sandata ang sining sa pagmumulat ng kamalayan. Nagpapatuloy ang diwa nito sa bawat tinig na tumatangging makalimot at handang lumaban.
