ARAY-NEO: Green Batters, sinalanta ang tumirik na Ateneo Baseball Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NILUPIG ng De La Salle University (DLSU) Green Batters ang nagpupumiglas na Ateneo de Manila University Baseball Team, 23–5, sa kanilang unang tunggalian sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Marso 4.

Nagpasiklab agad ang Green Batters sa unang inning nang mapauwi ni Liam De Vera si Renato Samuel sa homebase, 1–0. 

Bumuwelta naman ang panig ng Katipunan na nagtala ng dalawang run batted in upang maipundar ang kanilang bentahe, 1–2. 

Nag-iba ang ihip ng hangin para sa kapalaran ng Taft-based squad nang ikasa nina Samuel, De Vera, at DLSU rookie Jose Tantuico ang 4–0 run sa ikatlong inning, habang matibay na sinalag ni Peter Nonaillada ang pag-alagwa ng mga Atenista upang panatilihin ang kalamangan, 5–2.

Pinakinabangan ng Taft mainstays ang serye ng fielding errors ng mga taga-Katipunan upang kumaripas sa 14–0 run. 

Tinangkang tubusin ng hanay ng Katipunan ang kanilang pagkakamali nang makapagtala sila ng 0–2 run, subalit nanatiling mahigpit ang kapit ng Green Batters sa sagupaan, 19–4. 

Pagdako ng ikalimang inning, nagpasiklab si Tantuico ng homerun na sinundan ng pagragasa nina Barry Onas, Inigo Reyes, at Marco Flores sa 4–0 run, na tuluyang nagpabaon sa Ateneo sa mabigat na kabiguan, 23–5.

Bitbit ang 2–1 panalo-talo kartada, sisikapin ng DLSU Green Batters na bitagin ang Adamson Soaring Falcons sa parehong lunan sa Linggo, Marso 8.