Lady Spikers, pinigilan ang pag-alpas ng Blue Eagles; nananatili ang malinis na kartada

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NIYANIG ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang hawla ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25–14, 21–25, 25–15, 25–17, sa kanilang unang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 1.

Namayani si middle blocker Lilay Del Castillo para sa Taft-mainstays matapos umukit ng 18 puntos mula sa walong block, pitong atake, at tatlong ace.

Inilaban naman ni rookie Ana Hermosura ang Loyola-based squad bitbit ang 18 puntos.

Maagang inuga nina Taft tower Del Castillo at Amie Provido ang mga taga-Loyola matapos dominahin ang net at itarak ang magkakasunod na quick attack, 12–8. 

Umagapay naman si Alas standout Angel Canino matapos ipuslit ang malinis na crosscourt hit upang mapasakamay ng Lady Spikers ang unang set, 25–14.

Pagdako ng ikalawang set, ginimbal ni Ateneo rookie Hermosura ang depensa ng Taft mainstays nang bumomba ng pipe attack mula sa pag-alalay nina JLo Delos Santos at Zey Pacia upang ilayo ang bentahe, 12–15.

Sinubukan namang umabante ng mga taga-Taft sa pangunguna nina Canino at Shane Reterta, ngunit kinulang sa bagsik matapos ang pag-arangkada ng Blue Eagles sa pagtatapos ng ikalawang set, 21–25, na nagbigay rin ng unang talong set ng DLSU sa naturang torneo.

Ipinagpag ng Lady Spikers ang pagkatalo sa nakaraang set matapos magreyna si Del Castillo sa net nang harangin nito ang mga atake ng Blue Eagles, 8–5.

Inutakan din nina rookie Ella De Guzman at Althea Cabradilla ang mga blockers ng Ateneo sa bisa ng off-the-block hits para mapasakamay nila ang ikatlong yugto, 25–15.

Maagang pinagana ni rookie setter Eshana Nunag ang tambalang Del Castillo at Provido sa huling yugto ng salpukan matapos umukit ng magkasunod na mga quick attack na sinabayan pa ng mga tirada ni Canino 16–9.

Inagapan pa ni rookie middle blocker Dona De Leon ang pag-aapoy ng opensa ng Lady Spikers, ngunit tuluyan nang pumihit tungong Taft ang huling parte ng tunggalian, 25–17.

Isinalaysay ni Canino sa post-game press conference na masaya siyang naiwasang mataranta ng buong team sa pansamantalang pagliban ni team captain Shevana Laput.

“Kung sinong [nandiyan] ‘yun lang ang mayroon tayo and [lumaban] tayo,” dagdag pa ni Canino.

Bitbit ang malinis na apat na panalo, dedepensahan ng Lady Spikers ang kanilang rekord kontra University of the East Lady Warriors sa parehong lugar sa ika-1:00 n.h. sa Sabado, Marso 7.