
BIGONG PUMIGLAS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa gapos ng kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 22–25, 18–25, 25–20, 25–20, 13–15, sa kanilang unang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Marso 1.
Inakay ni lefty opposite hitter Rui Ventura ang langkay ng Green Spikers matapos maglimbag ng 18 puntos, bitbit ang 16 na atake at dalawang block.
Pinangunahan naman ni reigning best opposite spiker Amil Pacinio ang pagsalakay ng mga agila tangan ang 18 puntos na mga atake.
Nanlalatang sinalubong ng Berde at Puting koponan ang unang yugto ng bakbakan matapos magparamdam si playmaker Enzo Gutierrez sa net sa bisa ng joust, 4–7, ngunit inilihis naman ni middle blocker Issa Ousseini ang direksiyon ng bola na nagpabaling sa kalamangan tungong Taft, 11–10.
Nanatili namang nakakandado ang iskor nang kapuwa idinaplis ni Pacinio at outside hitter Eugene Gloria ang bola sa kamay ng blockers, 14–all.
Gayunman, umalagwa ang Katipunan mainstays sa bisa ng triple-man block kay outside hitter Chris Hernandez, 15–20, hanggang sa nagpakawala ng umaatikabong crosscourt hit si Kapitan Jian Salarzon upang ibulsa ang unang set, 22–25.
Agad na pumundar ng bentahe ang Loyola-based squad nang magrehistro ng alas si reigning Most Valuable Player Kennedy Batas kay Gloria, 8–12.
Sinundan pa ito ng pagsalaksak ni Salarzon ng hampas sa butas na depensa ng DLSU mula sa off-system play, 11–15. Sinubukan namang idikit ni Hernandez ang talaan nang tibagin ang pader ng Ateneo, 13–18.
Pinalobo pa ni Salarzon ang kalamangan matapos suklian ang buwis-buhay save ni libero Lance De Castro, 16–22. Tuluyan nang ikinabig ni Salarzon ang ikalawang set sa bisa ng off-the-block hit, 18–25.
Bitbit ang hangaring makaahon mula sa lusak, binagbag ni Hernandez ang matayog na three-man block ng Blue Eagles, 7–all, na ginatungan pa ng pagbulusok ni Ousseini sa gitna, 14–11.
Subalit, sinagot naman ito ni rookie Rodge Alejos nang tipakin ang hampas ni Hernandez, 19–14, bago umukit ng alas si middle blocker Erik Layug at inihatid ang Taft-based squad sa unang set point, 24–17, hanggang sa nagtala ng service error si Pacinio, 25–20.
Pagdako ng ikaapat na set, naglimbag ng nakalilinlang na back set si Gutierrez tungo kay Pacinio, 1–2, na siyang sinagot ni Ousseini sa bisa ng A-quick, 5–9, bago muling isara ni Alejos ang lagusan para kay Hernandez, 5–12.
Subalit, nagbitiw ng magkasunod na puntos si Gloria upang kabigin ang manibela ng bakbakan, 17–16.
Sinundan pa ito ng pagpayong nina rookie setter NJ Bangit at Ousseini kina Salarzon at Emman Okeke, 19–16, bago muling magparamdam si Gloria sa labas, 25–20.
Agarang bumuwelta ng 5-0 run ang mga taga-Loyola sa huling yugto ng sagupaan matapos umarangkada ni Alejos sa gitna, 0–5.
Muli pang ginatungan ito ng solo block ni Brian Castro kay Ousseini, 4–8, ngunit itinabla naman ni Bangit ang iskor nang bakuran ang hampas ni Batas, 10–all.
Habang tuluyan nang naglaho ang tsansang maibulsa ang kanilang unang panalo sa torneo, 13–15.
Bitbit ang 0–4 panalo-talo kartada, susubukang makamkam ng Taft mainstays ang kanilang unang tagumpay kontra University of the East Red Warriors sa parehong lunan sa ika-9:00 n.u. sa Sabado, Marso 7.
