
NANAIG ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Batters kontra University of the Philippines (UP) Baseball Team, 6–5, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Baseball Tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium kahapon, Pebrero 25.
Agad na nalula ang La Salle sa pagratsada ng magkakasunod na run batted in nina LM Basañes at Kobe Torres upang palobohin ang kalamangan ng Diliman-based squad, 0–4.
Pagdako ng ikalawa hanggang ikaapat na inning, inapula ng Berde at Puting koponan ang pamamayagpag ng UP matapos burahin ang kalamangang kanilang ipinundar, 4–all.
Rumatsada sa ikaanim na inning si Taft mainstay Pio Villamiel mula sa error sa fielding ng mga Isko, 5–all.
Tusong sinilat ni Liam De Vera ang pagtarak ng go-ahead run matapos mahulog sa patibong si UP sophomore Yuan Sumague mula sa fielding error ng kanilang kapitan na si Nano Asuncion.
Sa pag-aninag ng pagkakataon, tuluyang ikinandado ni De Vera ang unang panalo ng DLSU sa pagpapauwi sa mga huling sumalang na Isko bunsod ng pananalasa ng sunod-sunod na strike out sa ikasiyam na inning, 6–5.
Bitbit ang buwena manong panalo, susubukang ipagpatuloy ng Green Batters ang malinis na kartada kontra UST Golden Sox sa parehong lunan sa ika-10:00 n.u. sa Linggo, Marso 1.
