
NANATILING WALANG BAHID ng pagkatalo ang kartada ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos pabagsakin ang kuta ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25–12, 25–15, 25–19, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletics Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon, Pebrero 25.
Kinilala bilang Player of the Game ang beteranong outside hitter na si Angel Canino matapos magrehistro ng 12 puntos mula sa 11 atake at isang ace.
Umambag din ng 11 puntos sina national standout Amie Provido at sophomore outside hitter Shane Reterta, habang kumumpas naman ng 15 excellent sets si rookie playmaker Eshana Nunag.
Samantala, naglista si Casiey Dongallo ng 6 na puntos para sa Diliman-based squad.
Maagang nagpasiklab ang Taft mainstays sa unang set nang palobohin ni Canino ang bentahe sa bisa ng matulis na atake sa zone 1, kasunod ng kaniyang off-the-block hit, 8–1.
Ginatungan pa ito ni Reterta matapos buwagin ang pader nina Bienne Bansil at Fina Ali, 16–5, bago tuluyang tuldukan ng kalkuladong drop ball ni Provido, 25–12.
Dikdikan namang tumuntong ang dalawang koponan sa ikalawang yugto, ngunit agad nahanap ni Nunag ang ritmo ng laro upang paganahin si Provido sa gitna, 10–7.
Higit pa itong pinaralisa ni Reterta sa bisa ng down-the-line attack, 19–11, hanggang sa ipinako ng top spin hit ni rookie opposite spiker Mikee Santos ang iskor, 25–15.
Pagdako ng ikatlong set, namuhunan ang Berde at Puting kampo sa inalat na mga tirada ng mga Isko matapos umentra ng combination play sina Reterta at Nunag, 10–5.
Subalit, umarangkada ang nagpupumiglas na si Dongallo na pumukol pa ng atake sa long ball kort, ngunit agad naman itong binawian ni Canino nang basagin niya ang matayog na poste ng mga taga-Diliman upang wakasan ang naturang laro, 25–19.
Inilahad ni DLSU head coach Ramil De Jesus sa post-game press conference na natututo na ang Lady Spikers mula sa unang dalawang laro. “Ngayon, ni-remind ko lang sila na kailangan kung ano yung mindset [simula] doon sa first set hanggang third set dapat ganon din,” paalala ni De Jesus.
Susubukang depensahan ng Lady Spikers ang malinis nilang talaan kontra Ateneo Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. ng Linggo, Marso 1.
