Lady Spikers, ibinilanggo ang Golden Tigresses; tuloy ang pag-ukit ng marka sa baraha

Kuha ni Jean Carla Villano

IKINANDADO ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang ikalawang panalo matapos tambangan ang University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 25–14, 25–15, 26–24, sa kanilang unang duwelo sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 22. 

Kinumpasan ni rookie setter Eshana Nunag ang bakbakan para sa Taft-based squad nang maglathala ng 16 na excellent sets at tatlong puntos.

Umabante naman para sa kampo ng España si outside hitter Angge Poyos matapos mag-ambag ng 16 na puntos sa koponan.

Binuksan ang bugso ng sagupaan sa lumobong bentahe ng magkasunod na marka ni Angel Canino matapos lampasuhin ang zone 5, 10–7. 

Ginatungan pa ito ng quick attack ni middle blocker Katrina Del Castillo at sa ipinundar na pader ng beteranong middle blocker na si Amie Provido, 18–11, 20–13, bago tuluyang wakasan ang set sa iskor na 25–14.

Muli namang umentra ng 3–0 run ang Lady Spikers nang bigong umalpas sa kampo ng Taft ang tangkang pag-atake ng mga Tigre, 10–7, na patuloy ring binawian ng puntos ni Poyos sa bisa ng off-the-block hit, 13–15.

Pinaralisa pa ito ng 7–0 run sa pagbomba ni kapitana Shevana Laput ng cross court attack, 25–15, upang wakasan ang ikalawang bahagi ng bakbakan.

Nagawang sementuhin ni Laput ang 19 na puntos sa naturang laro sa bisa ng cross-court attack, 20–16, subalit napukaw ang diwa ng España-based squad nang maitabla ang talaan sa attack error ng kapitana, 21–all.

Gayunpaman, muling uminit ang sagupaan sa pinahabang duwelo ng mga koponan nang magrehistro ng dalawang puntos ang tambalang sophomore Shane Reterta at Laput, 25–24, bago tuldukan ang naturang laro sa bisa ng drop shot attack ni Laput sa gitna, 26–24.

Matapos ang dikdikang sagutan ng mga atake sa huling bahagi ng sagupaan, kinilala ng kapitana ang team effort ng buong koponan na nagbunga sa kanilang pagkapanalo.

Bitbit ang 2–0 na baraha, muling babalasahin ng koponan ang malinis na rekord sa kanilang paghaharap kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-3:00 n.h. sa Pebrero 25.