Green Spikers, sinibasib ng UST Golden Spikers

Kuha ni Florence Osias

NABIGO ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa tikas ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 23–25, 22–25, 25–15, at 19–25, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 22.

Pinangunahan ni middle blocker Issa Ousseini ang Berde at Puting koponan matapos makalikom ng 16 na puntos mula sa 10 atake, at apat na block. 

Namayani naman para sa Golden Spikers si outside hitter Josh Ybañez matapos maglista ng 25 puntos.

Maagang nagpasiklaban sa gitna ang dalawang kampo sa pangunguna nina Ousseini at UST middle blocker Trevor Valera at nagdikdikan hanggang sa salagin ni UST hitter Jan Macam ang atake ni Taft-based opposite hitter Rui Ventura, 16–17. 

Subalit, kinapos din ang puwersa ng luntiang koponan nang tapusin ni setter Dux Yambao ang set sa bisa ng isang dropball, 23–25.

Pagdako ng ikalawang set, hinarang ni DLSU outside hitter Eugene Gloria ang pananalasa ng mga Tomasino, 4–1, na sinundan pa ng cross-court hit ni Green Spiker Chris Hernandez at atake ni Ventura, 7–3.

Uminit sina España-based players John Catisnag at Yambao sa harapan para bakuran ang atake ni Gloria, 13–16, hanggang sa tuluyang sinara ni Macam ang ang set sa bisa ng matalim na tirada, 22–25. 

Nabuhayan ng pag-asa ang Taft mainstays matapos magbitaw ng magkakasunod na error ang mga taga-España, 5–2, na binawi naman ni Valera sa service ace, 6–5, dahilan upang mag-init ang diwa ni Ousseini para pumuslit ng isang quick, 7–5. 

Sinubukan namang habulin ito ni UST opposite hitter Umandal ng cross-court attack, 17–3, ngunit tuluyang pinatahimik ng puwersa ng Taft ang mga Tigre nang salagin ng tambalang Joshua Magalaman at Uriel Mendoza ang pananalasa ni Macam upang ibulsa ang ikatlong set, 25–15.

Salitang service error ang bumungad sa dalawang koponan sa pagbubukas ng ikaapat na set, 5–8, ngunit umalab ang mga galamay ni UST hitter at Alas Pilipinas standout Josh Ybañez, 13–18, upang tuluyang putulin ang pagratsada ng mga taga-Taft at ilista ang unang panalo ng mga taga-España sa torneo, 25–19.

Sa kabila ng pagkatalo, inamin ni Ventura sa Ang Pahayagang Plaridel ang naging pinakamalaking hamon nila, “Yung floor defense [ng UST], mabilis talaga silang humabol ng bola.”

Pasan ang 0–2 panalo-talo kartada, tatangkain ng Berde at Puting koponang sungkitin ang kanilang unang panalo kontra UP Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-11:00 n.u. sa Miyerkules, Pebrero 25.