
TUMUDLA ng magkasalungat na resulta ang De La Salle University (DLSU) Green Tennisters at Lady Tennisters kontra National University (NU) Men’s Tennis Team, 1–4, at Women’s Tennis Team, 3–2, sa pagpapatuloy ng University Athletics Association of the Philippines Season 88 Collegiate Tennis Tournament sa Colegio San Agustin – Bulacan Tennis Court kahapon, Pebrero 21.
Pagsisikap para sa panalo
Agarang sinalag ni Jhocson-based tennister Alexis Acabo ang pana ng La Salle na si Rupert Tortal sa unang singles match, 0–6, 1–6.
Bumuwelo naman ngunit kinapos si DLSU ace JT Bernardo kontra NU standout Andrei Padao sa ikalawang singles match, 4–6, 2–6.
Sumilay ang pag-asa para sa Taft-based squad nang maibulsa ni Yassan Al-anazi ang unang set sa ikatlong singles match, 6–4, subalit nag-init ang mga galamay ni Isaac Lim para sa NU, 2–6, 1–6.
Inilista rin ng Taft duo nina EJ Geluz at Daniel Estanislao ang nag-iisang panalo ng Green Tennisters kontra Jules Lazaro at Kristopher Espinosa ng NU, 6–1, 6–2.
Samantala, kinapos ang tambalang Marco Guinoo at Fernando Po sa pagsungkit ng panalo sa ikalawang double’s match laban sa bangis nina Christian Padilla and Angel Balaoing, 3–6, 3–6, 9–11.
Pagbangon at tiwala
Matagumpay ang pagsalakay ni Taft-based tennister Mikaela Vicencio mula sa mga tirada ni Jessica Carcueva ng NU sa unang singles match, 4–6, 7–6, 6–1.
Yumukod naman si DLSU player Sophie Moreno kay NU standout Adeline Abadia, 2–6, 0–6.
Kinapos din si Angeline Alcala na ibulsa ang panalo para sa Berde at Puting koponan nang maduhagi sa matatalim na hampas ni NU Bulldog Elizabeth Abarquez, 6–7, 0–6.
Pinundi ng Taft duo nina Annika Diwa at Guysie Guardo ang dilaab ng Jhocson duo nina Rovie Baulete at AJ Acabo sa unang double’s match, 6–2, 6–1.
Kinandado naman nina France Idjao at Chelsea Bernaldez ang panalo ng Lady Tennisters sa ikalawang double’s match nang patahimikin ang nagkukumahog na puwersa nina Collin Kernel at Juliana Carvajal ng NU, 6–4, 6–3.
Paghahanda sa hinaharap
Kahaharapin ng Green Tennisters ang UP Men’s Lawn Tennis Varsity Team sa parehong pook sa ika-7:30 n.u., Pebrero 22.
Samantala, susubukan naman ng Lady Tennisters na ibulsa ang kanilang ikatlong panalo kontra UST Female Tennisters sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u. sa Sabado, Pebrero 28.
