Green Tennisters, inilista ang buwena manong panalo sa UAAP Tennis Tournament

Kuha ni Florence Osias

NAMAYAGPAG ang hanay ng De La Salle University (DLSU) Green Tennisters matapos bulabugin ang pugad ng Adamson University Men’s Lawn Tennis Team, 4-1, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Tennis Tournament sa Colegio San Agustin – Bulacan Tennis Court, Pebrero 18. 

Maagang rumatsada ang beteranong si EJ Geluz nang pundihin ang dilaab ni Adamson Falcon AJ Rosales sa unang harapan, 6–2, 6–1. 

Niluray din ni Green Tennister JT Bernardo ang puwersa ni San Marcelino-based tennister Vinz Bering upang selyuhan ang ikalawang panalo ng Berde at Puting koponan sa ikalawang singles match, 6–0, 7–5. 

Pinagtibay ng Taft duo nina Daniel Estanislao at Kevin Garrido ang bentahe para sa luntiang hanay matapos ihawla ang nagpupumiglas na sina Joseph Butcon at Albretch Job, 6–1, 5–7, 10–7. 

Hindi rin nagpahuli ang tambalang Fernando Po at Marcus Ginoo nang matakasan ang mabalasik na sina Kurt Correos at Nikko Lumahang sa ikalawang doubles match, 7-5, 0-6, 14-12. 

Bigo namang makawala si Yassan Al-Anazi sa pagdagit ni Meicoz Candelaza matapos sungkitin ang kaisa-isang panalo ng Adamson, 4–6, 3–6.

Tatangkaing ibulsa ng Green Tennisters ang kanilang ikalawang panalo kontra National University Men’s Lawn Tennis team sa ika-7:30 n.u. sa parehong lunan sa Sabado, Pebrero 21.