
PUMUROL ang mga tirada ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos silang suwagin ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 19–25, 22–25, 19–25, sa pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 14.
Pinangunahan ni middle blocker Issa Ousseini ang alab ng Green Spikers sukbit ang siyam na puntos mula sa pitong attack, at tig-isang block at ace.
Umambag naman sina outside hitter Eugene Gloria at opposite hitter Michael Fortuna ng tigpitong puntos.
Namayani para sa FEU si reigning best opposite hitter Dryx Saavedra na naglista ng 16 na puntos mula sa 15 atake at isang block.
Dikit ang unang yugto matapos magpalitan ng mabibigat na atake ang dalawang koponan hanggang sa mapiit sa sariling error ang Green Spikers na sinamantala nina Saavedra at outside hitter Mikko Espartero upang ibulsa ang unang set para sa Morayta-based squad, 19–25.
Nabuhayan ang Berde at Puting koponan pagdako ng ikalawang set sa pangunguna ni Gloria ngunit agarang pinatid ni Espartero ang momentum ng La Salle nang magpakawala ito ng matalim na crosscourt hit, 22–25.
Nag-init naman si outside hitter Arjay Magallanes sa pagbubukas ng ikatlong set ngunit tuluyang bumigay ang Taft-based squad nang madagit ito sa sariling magkasunod na mga error, 19–25.
Tangan ang 0–1 panalo-talo baraha, sunod na kahaharapin ng Green Spikers ang UST Golden Spikers sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u. sa Pebrero 22.
