SHEV-ABAW NG MGA ULAP: Pag-alpas ni Lady Spiker Shevana Laput bilang UAAP Season 87 Women’s Volleyball Best Opposite Spiker

Kuha ni Betzaida Ventura
Likhang-sining ni Kian Ley Sotto

SUSUUNGIN ni De La Salle University Lady Spiker Shevana Laput ang lahat ng bagyo at hamon ng pagbabago, tulad ng eroplanong matatag na umiimbayog sa pagsubok ng himpapawid, bitbit ang lakas, tiyaga, at disiplina, nang kaniyang bagtasin ang panibagong ruta sa larangan ng palakasan.

Ibinahagi niya sa ANG PAHAYAGANG PLARIDEL ang hirap na dinanas sa biyahe patungo sa prestihiyosong parangal. Sa likod ng bawat matagumpay na spike at block, tangan ni Laput ang kuwento ng paglipad na puno ng sakripisyo at determinasyon na magdadala sa kaniya at sa Berde at Puting koponan tungo sa mas mataas na ulap ng tagumpay.

Simula ng paglipad 

Umusbong si Laput bilang isang atleta ng track and field sa Australia. Mula sa pagiging triple jump at long jump champion, hanggang sa hurdles at sprint, inakala niyang ito na ang rutang tatahakin sa mundo ng pampalakasan. Subalit nangyari ang hindi inaasahan, umukit si Laput ng panibagong yugto sa volleyball. 

Mula sa pagiging atleta sa individual sport, tinahak niya ang bagong landas patungong team sport. Natagpuan niya rito ang siglang naging dahilan upang ipagpatuloy ang pagiging atleta. Tanging tiket ng eroplano patungong Pilipinas ang nagbukas ng bagong oportunidad at naghatid sa kaniya ng pagkakataong mamayagpag bilang isang Lady Spiker.

Pagsalubong sa agos ng hangin

Ibinahagi ng tubong Australia ang pagpunta niya sa Pilipinas noong taong 2019 upang bisitahin ang kapatid niyang naglalaro sa collegiate basketball. Inaasahan niya lamang na makahahanap siya ng bagong tahanan sa koponan ng track and field sa Pamantasan. Subalit, nagbago ang ihip ng hangin nang mapansin siya ni Coach Noel Orcullo na nagsindi ng dilaab ng kaniyang karera sa volleyball.

Tapat na inilantad ng 6’2 opposite hitter na hindi naging madali ang paglipat niya mula individual sports patungong team sports. Agad siyang sinabak sa mabigat na dalawang buwang paghahanda upang mapabilang sa Berde at Puting koponan na nag-uwi ng kampeonato noong Season 85 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Bakas ang panghihina ng loob tuwing napaliligiran ng mga batikang manlalaro sa mga ensayo.

Malaking hamon ang kinaharap ni Laput nang sumapit ang Season 86. Kinapos man depensahan ang trono, naglilok ng mahalagang leksiyon sa kaniyang sarili at sa buong koponan ang pagkatalo. Natutuhan nilang hindi nakasalalay sa kakayahan ng isa ang tagumpay, subalit nasa kumpiyansa ng bawat isa bilang koponan. Ipinakita lamang nito na si Laput ang isa sa mga matibay na sandigan ng grupo na nagbigay-daan sa kanilang nalalapit na tagumpay. 

Himpapawid ng bagong yugto

Sa pagtatapos ng UAAP Season 87, nagpupunyaging binitbit ni Laput ang plakang Best Opposite Hitter Award na simbolo ng pagsisikap at sakripisyo sa paglipad sa panibagong direksiyon ng kaniyang buhay. Gayunpaman, hindi rito natatapos ang pag-angat upang abutin pa ang mas matayog na hinahangad ng atleta sa susunod pang mga yugto ng kaniyang karera.

Sa nalalapit na pagsisimula ng UAAP Season 88, muling lilipad si Laput—ngayon bilang Kapitana—upang pamunuan at igiya ang Lady Spikers. Baon niya ang katagang itinanim ni Head Coach Ramil De Jesus sa kaniyang puso, “You’re a finisher.” 

Naging malinaw kay Laput ang kaniyang tungkulin at pananagutan. “Every time the ball gets sent to me, I’m gonna finish that, I’m gonna kill that, I’m gonna get this for the team because that’s my role,” pangakong binitawan niya para sa sarili at sa buong koponan.

Ipinapakita ng paglipad ni Laput ang panata ng walang hanggang paglaban, pangarap, at paniniwala sa sariling kakayahan. Pinatutunayan niya na nagmumula sa pusong hindi sumusuko ang tunay na lakas ng isang atleta. Pasan niya sa bawat ekspedisyon ang dilaab ng pangarap: matatag, buo, at handang abutin ang rurok ng tagumpay.