
IPINADAMA ng De La Salle Alumni Association (DLSAA) katuwang ang BDO Unibank, Universal Robina Corporation (URC), at McDonald’s ang pagpapahalagang Lasalyano sa munting outreach program na Gabay ng Lasalyano sa kabataan ng Leveriza sa Malate, Manila nitong Enero 31.
Lasalyano para sa kabataan
Tinatayang mahigit 140 bata mula sa Barangay 707 hanggang 721 ang dumalo at nakisaya sa programa. Katuwang din sa pamimigay ng tuwa ang Lasallian Sustainable Development Program ng Center for Social Concern and Action, Kuya Center for Street Children, mga miyembro ng DLSAA Southern California, at mga lingkod-bayan ng Barangay 718.
Iniugnay ni DLSAA President Atty. Christine Base bilang isang paraan ng pagbibigay-inspirasyon sa kabataan ang isinagawang programa. “Sana po ngayong umaga, kayo po ay aming ma-inspire, na kayo po ay mag-aspire, at mag-dream big para makapag-aral sa [De La Salle University] o kung hindi man… sa eskuwelahan na inyong gusto at kayo ay makapagtapos,” hangad niya sa mga bata.
Layon din ni Atty. Base at ng buong DLSAA na paigtingin at palawigin ang Gabay ng Lasalyano para sa misyong paggabay, pagpapalakas, at patuloy na paghahatid ng pag-asa at oportunidad sa kabataan.
Galak sa pagkalinga
Nakisabay rin sa saliw ng iba’t ibang tugtugin ang mga bata at nakiisa sa mga inihandang palaro ng programa.
Nagbahagi rin ang Kuya Center for Street Children ng kuwento at aral sa pagbabasa ng maikling istorya ng The Very Cranky Bear ni Nick Bland. Binigyang-diin sa kuwento ang kahalagahan ng makabuluhang pagtulong habang isinasaalang-alang ang pangangailangan at sitwasyon ng mga taong tinutulungan.
Nagtapos ang programa sa isang munting salo-salong hatid ng McDonald’s at sa pamimigay ng mga pagkaing handog ng URC. Bakas sa mukha ng mga bata ang ngiting dala ng proyektong nagpamalas ng pagmamalasakit, paglilingkod, at pagmamahal sa kabataan na likas sa pagiging isang Lasalyano.
