Green Booters, kinapos sa pag-asinta sa Fighting Maroons sa UAAP Final Four

Kuha ni Florence Osias

PUMUSYAW ang dilaab ng De La Salle University (DLSU) Green Booters kontra University of the Philippines (UP) Men’s Football Team, 0–1, sa University Athletic Association of the Philippines Men’s Football Tournament semifinals sa Rizal Memorial Stadium nitong Pebrero 8.

Agresibong sinimulan ng Green Booters ang unang yugto nang magpamalas ng matutulin na tirada sina John Gaverza at Lucas Aguilar ngunit matikas na sinalag ni UP goalkeeper Alfonso Gonzales ang mga ito upang panatilihing blanko ang talaan.

Muling sumubok si Gaverza sa ika-19 at ika-27 minuto ng laro subalit hindi ito lumusot sa matibay na depensa ng Diliman-based squad, 0–all.

Pagdako ng ikalawang yugto, nakahanap ng pagkakataon ang Taft-based squad nang sumubok ng long throw-in si Adrian Bacolod, ngunit hindi nakalusot sa depensa ng mga Isko.

Nakahanap ng puwang ang UP sa ika-122 oras ng sagupaan nang maipuslit ni Ramil Bation III ang free kick na naghandog ng 1–0 na panalo at tiket tungong sa finals.

Bunsod ng pagkatalo, namaalam sa torneo ang Berde at Puting koponan bitbit ang ikaapat na gantimpala.