Green Booters, nangatog sa tikas ng FEU Men’s Football Team

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NADUHAGI ang De La Salle University (DLSU) Green Booters sa pag-araro ng defending champions Far Eastern University (FEU) Men’s Football Team, 0–1, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletics Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium nitong Enero 18.

Maigting na depensa ang ipinamalas ng dalawang koponan nang supalpalin ni DLSU goalkeeper Jason Salavante ang pagbulusok ni FEU stalwart Selwyn Mamon upang isara sa 0–0 ang panimulang kartada.

Nagpatuloy pa ang giriian ng parehong panig sa pagpatak ng ikalawang yugto subalit pumuslit ng puntos si Mamon mula sa long throw-in ni Morayta mainstay Francis Sambaan sa ika-76 na minuto upang dumanak ang unang dugo sa labanan pabor sa FEU, 0–1.

Nagtangkang bumawi si DLSU sophomore Lukie Aguilar ngunit nanalasa ang depensa ng mga Tamaraws sa dagdag na 10 minuto ng bakbakan upang tuluyang selyuhan ang panalo, 0–1.

Bitbit ang 10 puntos mula sa 2–4–4 panalo-talo-tablado kartada, sasalakayin ng mga pambato ng Taft ang sandatahan ng University of the East Men’s Football Team sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h. sa Enero 25.