
INALMAHAN ng University Student Government (USG) ang muling inaasahang pagtaas ng matrikula para sa akademikong taon 2026–2027 sa isinagawang USG Multisectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF) Press Conference sa Corazon Aquino Democratic Space nitong Enero 10.
Inihayag sa programa ang konteksto, katotohanan, at katayuan ng mga estudyante hinggil sa pagtaas ng matrikula. Gayundin, inilatag ng USG ang kanilang mga inihandang aktibidad bilang kampanya laban sa inaasahang tuition fee increase (TFI).
Hiyaw ng USG
Binalik-tanaw ni USG President Lara Capps na noong pandemya pa huling ipinatupad ng De La Salle University (DLSU) ang pagtigil sa pagtaas ng matrikula. Ipinaalala niya na sa pagpasok ng ID 122, pumatak ang matrikula sa P2,951 sa Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education (BAGCED) at P3,520 sa ibang kolehiyo, mas mataas kompara sa ngayong P3,500 sa BAGCED at P4,175 sa natitirang kolehiyo.
Ipinunto naman ni USG Executive Treasurer Jeian Ruiz Nicol na hindi pantay ang epekto ng isyu sa bawat sektor ng estudyante, lalo na sa mga iskolar, may kapansanan, at working student. “Ito ang patuloy naming [ipinaglalaban] dahil ang kakulangan sa pera ay hindi [nila] piniling maranasan at hindi dapat maging dahilan para mawalan [sila] ng karapatan sa edukasyon,” protesta niya.
Tinukoy rin ng kanilang opisina na maaaring mag-udyok sa pangungutang, pagpapadala ng promissory note, o pagtigil sa pag-aaral ang inaasahang pagtaas ng matrikula ng mga estudyante. Ikinabahala rin ni Nicol ang patuloy na pagtanggi ng Pamantasan sa estadong pampinansiyal ng mga Lasalyano bilang katanggap-tanggap na rason sa pagsusumite ng promissory note.
Inilahad din niyang agaw-pansin ang halos 700 ulat na natanggap ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) mula sa mga estudyanteng nakabayad na ngunit nakaranas ng clearance hold. Pinalitaw lamang nito ang mga nagpapatuloy na isyu hinggil sa manpower, bigat ng trabaho ng bawat empleyado, at kalumaan ng websites sa kabila ng pagtaas ng matrikula.
Pinagtuunan naman ng pansin ni Carlos L. Tiu School of Economics College President Micah Agatha ang pagbaba sa 1.7% implasyon ng Pilipinas. Iginiit niyang hindi nito binibigyang hustisya ang patuloy na pagtaas ng matrikula at nararapat na mas ibaba ang halaga nito kompara sa nakaraang taon.
Tumindig naman si Deputy Secretary for Policies Zachari Quiambao ukol sa pantay at makatwirang mga polisiyang direktang nakaaapekto sa buhay ng mga Lasalyano. Ibinahagi niyang isinasagawa na ang pag-iimbestiga sa hindi pagbawas ng Php10,000 reservation fee ng ID 124 sa aktuwal nilang matrikula.
Inihayag ni Quiambao na maglalabas ng nagkakaisang pahayag ang USG sa pagkamit ng tunay na kasagutan patungkol sa diskurso ng pagtataas ng matrikula. “Development has never come at the expense of student accessibility. We must remember the initial mission and vision of our school,” saad niya pa.
Patuloy na laban
Aminado si Capps na limitado ang hawak na datos ng USG sa paraan ng paglalaan ng badyet ng DLSU. Hiling ng kaniyang tanggapan, kaagapay ang Association of Faculty and Educators, na isapubliko ng administrasyon ng Pamantasan ang mga ulat sa alokasyon ng matrikula para sa kaalaman ng pamayanang Lasalyano.
Siniguro naman ni Nicol na patuloy ang pamamahagi ng OTREAS ng scholarships at subsidy projects bilang tugon sa pangangailangan ng mga estudyante.
Binuksan naman ni Agatha ang usapin sa pagsilip sa kurikulum, partikular ang pagbaba ng units ng mga estudyanteng double degree. Naniniwala siyang makatutulong ang pag-credit ng magkakatulad na programa sa pagbawas ng academic load at gastusin ng mga estudyante. Batid niyang daan ito upang mabawasan ang mga kursong general education tulad ng isinagawa ng University of the Philippines–Diliman at Ateneo de Manila University.
Hinimok naman ni Quiambao ang mga Lasalyanong makilahok sa isasagawang focus group discussions. Tiniyak niyang magiging bukas at ligtas na espasyo ito sa mga nais na magbahagi ng kanilang karanasan at katanungan. Direktang makatutulong sa panukala ng USG para sa MSCCTF ang lahat ng makukuhang kasagutan sa gaganaping forum.
Patuloy ring nangangalap ng 13,000 tugon mula sa sarbey at 6,000 pirma ang USG para mapaigting ang kanilang kampanya at kolektibong suporta sa 0% TFI.
Hinihikayat din ni Capps ang bawat Lasalyanong sumali sa gaganaping Unity Walk. Sinisiguro niyang patuloy nilang ipaglalaban ang makatarungang matrikula para sa mga estudyante at mga Lasalyanong papasok ng Pamantasan. Ipinagtibay niyang patunay ang pagtindig ng Lasalyano na karapatan ang edukasyon at hindi isang pribilehiyo.
