
PINIGILAN ng De La Salle University (DLSU) Green Booters ang pag-alpas ng Ateneo de Manila University Men’s Football Team, 1–all, sa kanilang ikalawang engkuwentro sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Football Tournament sa UP Diliman Football Stadium nitong Enero 15.
Rumatsada ang Taft-based squad sa unang yugto sa pangunguna ni rookie James Sibla na itinarak ang kanilang unang punto sa ika-32 minuto ng tunggalian, 1–0.
Pagdako ng ikalawang yugto, ipinamalas ni DLSU goalkeeper Jason Salavante ang kaniyang mahigpit na depensa sa bisa ng magkasunod na pagsalag sa mga tirada ng Ateneo upang mapanatili ang kalamangan, 1–0.
Nahanap ng mga Agila ang kanilang ritmo nang maipuslit ni Kofi Agyei ang equalizing goal sa ika-80 minuto ng laro, 1–all.
Bitbit ang 10 puntos at 2-3-4 panalo-talo-tabla baraha, kahaharapin ng Green Booters ang defending champion na Far Eastern University Men’s Football Team sa parehong lunan sa ika-7:00 n.g. sa Linggo, Enero 18.
