Kilos Kontra Katiwalian: Paghingi ng pananagutan, isinentro sa ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio

Kuha ni Chiara Caballes

HINDI NATINAG ang mga multisektoral na grupo sa pagbagtas sa kahabaan ng Luneta, Maynila sa ikinasang Baha sa Luneta 2.0 upang kalampagin ang gobyerno hinggil sa mga isyu ng korapisyon sa araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio nitong Nobyembre 30.  

Bagaman dumagsa ang buhos ng mamamayan mula sa iba’t bang dako ng bansa, pansamantalang naantala ang programa sa Luneta nang tangkaing ipatigil ng kapulisan ang pagsasagawa nito dahil sa kawalan ng permit. 

Gayunpaman, nagpatuloy ang mobilisasyon sa paggiit ng karapatan ng bawat indibidwal na makapagprotesta at paghamong panindigan ng pamahalaang lokal ng Maynila at Metropolitan Manila Development Authority ang mga napagkasunduan sa mga organisador. 

Isinulong ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, kabalikat ng mga samahang nakiisa, ang pagbibigay-diin sa pagpapakulong sa mga nasasangkot lalong lalo na sa maanomalyang flood control projects, pagtatanggal sa kanila sa mga puwesto sa pamahalaan, at pagwawakas sa mga nananaig na dinastiyang politikal sa bansa. 

Pinangunahan naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang pagpapatuloy ng ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio sa bisa ng pagmartsa patungong Recto Avenue. Una nang itinakda sa Mendiola ang pagsasagawa ng pagkilos, ngunit naudlot ito matapos silang salubungin ng hanay ng kapulisan, barikadang may nakapulupot na barbed wire, at shipping containers sa Mendiola Peace Arch.

Hindi natitigil na pakikibaka

Ipinunto ni BAYAN Secretary General Mong Palatino ang pananalaytay ng katapangang dala ng mga Katipunero sa kasalukuyan. Maalab niyang sambit sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “Ngayon pong November 30 sa ating protesta, naramdaman ko ‘yung diwa no’ng paglaban ng mga Katipunero. ‘Yung legacy ni Andres Bonifacio kasi tinangka tayong harangan, tinangka tayong pigilan na magprotesta [at] magtipon. Pero pinakita natin ‘yung sama-samang pagkilos at militanteng aksiyon.” 

Mula na rin sa paglipas ng ilang buwan matapos pumutok ang maanomalyang flood control projects, winika ni Palatino ang pagtataka sa kawalan ng mga nahuhuling personalidad na matataas ang posisyon sa gobyerno. Idinagdag niya rin ang marapat na pagtutok ng imbestigasyon sa Malacañang kasabay ng pagtunton sa mga pangunahing benepisyaryo ng mga ninakaw na pondo. 

Nagsisilbing paraan ng pagpapakita ng galit at pagnanais sa reporma ang mga kilos-protestang nilalahukan ng mamamayan. Ayon pa kay Palatino, mahalagang nakikita ng gobyerno ang pagbabantay ng taumbayan sa naturang mga isyu gamit ang tuloy-tuloy na mobilisasyon. Muli niyang iginiit na nakabatay sa bawat isa ang kalakasan ng paghingi ng pananagutan. 

Bako-bakong sistema

Pumadyak mula Quezon City patungong Luneta ang mga siklista gaya ni Make It Safer Movement Coordinator Alyssa Belda upang ipanawagan ang pagtaliwas sa pagnanakaw ng kaban ng bayan ng mga nasasangkot at maging kinatawan ng mga kapuwa siklistang hindi nakadalo.

Bilang bahagi ng sektor ng transportasyon, nababakas nila sa bawat lubak ng kalsada ang epekto ng paglulustay sa perang nanggagaling sa buwis ng mamamayan. Saad ni Belda sa APP, “Muli, mula sa aming mga commuter, mga biker, mga pedestrian, araw-araw kasi nating nararamdaman itong [katiwalian sa] bawat hakbang natin sa footbridge [at] bawat baha. Kaunting baha lang hindi ka na makakasakay, kaunting baha lang ang hirap nang sumakay ng jeep, ng terminal.”

Kasabay nito, bitbit din ng kanilang samahan ang pagtutol sa pagpapatupad ng Land Transportation Office sa pagbabawal sa paggamit ng e-vehicles sa mga pangunahing lansangan. Ibinahagi ni Belda na simbolo ng paggalaw sa araw-araw ng mga anak-pawis at ordinaryong Pilipino ang mga e-trike at e-bike kaya ipinararating nila ang pagsalungat sa nasabing patakaran.

Tungkulin ng makabagong mga Katipunero

Binalikan naman ni Ciarra Flores, coordinator ng Rural Women Advocates (RUWA), ang gampanin ng kabataan sa pagpapaalingawngaw sa laban kontra katiwalian. Aniya, “‘Yung kabataan kasi ‘yung magmamana [ng] lipunan sa hinaharap. Kapag hindi natin napanagot ‘yung mga dapat managot, ‘yung mga sangkot sa korapsiyon, lalong magnanaknak ‘yung gobyerno kung saan pinapagalaw ito ng mga tiwaling opisyal. At parang ang mga posisyon [at] pampolitikal na kapangyarihan ay ituturing bilang negosyo.”

Kaugnay nito, ginawang halimbawa ni Flores sa pakikiisa ng kabataan ang gawain sa RUWA na pagpapamulat sa mas maraming tao at hindi pananahimik sa mga isyung panlipunan. Ayon pa sa isa sa mga tagapagsulong ng karapatan ng kababaihang magbubukid, dapat napupunta sa mga pampublikong serbisyo, ayuda para sa mga magsasaka, at suporta sa lokal na produksiyon ang mga kinukupit na salapi mula sa taumbayan. 

Kasabay ng paggunita sa ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio, ipinamalas ng sambayanang nagpapatuloy ang paglaban para makamit ang pananagutan, hustisya, at tapat na pamamahala. Tangan ang diwa ng mga naunang Katipunero, hindi mapipigilan ng kahit anong balakid ang katapangan ng mamamayan sa paniniguradong piitan ang paglalagian ng mga kurakot sa bayan.