Animo Christmas Bazaar 2025, ibinida ang mga lokal na negosyo para sa panlasang Lasalyano

Kuha ni Trisha Tuveria

MASIGABONG binuksan ng University Student Government (USG) Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang taunang Animo Christmas Bazaar sa De La Salle University (DLSU) tangan ang temang “Himig ng Pasko” para sa selebrasyon ng Animo Christmas 2025 na nagtagal nitong Nobyembre 19 hanggang 28. 

Itinayo ang mga tindahan sa Don Enrique T. Yuchengco Lobby, St. Miguel Hall, St. Joseph Hall, Bloemen Hall, at kahabaan ng Velasco Hall. Tampok ang mga produktong pagkain at mga sari-saring kagamitan mula sa mga patok at lokal na mga tindahan para sa pamayanang Lasalyano. 

Handog ng OTREAS

Isinalaysay ni USG Executive Treasurer Jeian Ruiz Nicol na layon ng bazaar ngayong taon na makalikom ng sapat na pondo ang USG para sa mga pinansiyal na programa tulad ng scholarship. Ninanais din nitong maghatid ng kasiyahan kaakibat ng pagpapatatag ng mga programang tumutulong sa mga iskolar ng Pamantasan.

Tinukoy rin ni Nicol na nakatuon sa pantustos ng mga kagamitang pang-operasyon tulad ng kuryente, tubig, at iba pang praktikal na kagamitan ang mga nakuhang pera mula sa joining fee ng mga concessionaire na nakilahok sa bazaar.

Idinetalye rin niyang mapupunta ang 60% ng kabuoang kita sa scholarship at subsidy programs. Samantala, ilalaan naman ang natitirang 40% bilang depository fund at appropriation fund ng executive board ng USG para sa paglulunsad ng kanilang mga proyekto sa hinaharap.

Hinikayat naman ng OTREAS na alahanin ang tunay na diwa ng pasko sa pagiging isang komunidad. “The Animo Christmas Bazaar is more than food, booths, or festivities. It is a space where we come together to support one another, uplift partner communities, and make education more accessible,” saad niya. 

Sa likod ng kalakaran

Ibinahagi ni Project Head for Bazaar Edrick Vencel Yao ang mabusising pagpili sa aplikasyon ng mga concessionaire para sa bazaar. Tiniyak nilang maghahatid ng bagong karanasan sa mga Lasalyano ang mga tindahan habang pinananatiling nakaangkla ang mga ito sa interes ng komunidad.

Isiniwalat ni Yao na limitado ang oras ng kanilang preparasyon upang maging komplikado ang proseso ng aplikasyon ng mga concessionaire. Giit niya pang may pagkakatong kinailangang idulog ng mga concessionaire ang kanilang mga hinaing sa ibang opisina upang agaran itong mabigyan ng solusyon.

Gayunpaman, pinaigting ng kanilang komite ang epektibong komunikasyon sa pagitan ng mga concessionaire upang masiguro ang organisadong kalakalan ng bazaar. Tiniyak niyang maayos na maipaliliwanag sa kanila ang mga alituntunin at proseso para dito. Pinaalalahan niya rin ang mga negosyo na magsumite ng kompletong listahan ng tauhan upang maiwasan ang pagkaantala. 

Produktong patok sa mga Lasalyano

Muling kinagiliwan ng mga estudyante ang pagbabalik ng mga tindahan tulad ng Zagu, Hey There Matcha, Grizzly Dough, Baking Duck PH, at Drive est 2024 na naging concessionaire na sa mga nakaraang bazaar ng Pamantasan. Patuloy na tinatangkilik ng mga Lasalyano ang iba’t ibang mga produktong hatid ng mga naturang tindahan dahil naging bahagi na ito ng karaniwang karanasan ng mga estudyante tuwing may selebrasyon. 

Ipinabatid ni Kirstel Dagohoy, tagapamahala ng Grizzly Dough, na tatlong taon nang sumasali ang kaniyang negosyo sa mga bazaar na inilulunsad ng Pamantasan. “Very fulfilling naman kasi we see the customers going back, so I think they are satisfied with our products,” nagagalak na sambit ni Dagohoy.

Ibinahagi rin ni Paolo Morales, may-ari ng Baking Duck PH, na malaki ang naitulong ng mga bazaar sa DLSU upang makilala ang kanilang negosyo sa loob ng tatlong taon. Ipinabatid niya ring naging maayos ang daloy ng kanilang pagbebenta dahil sa pagiging matulungin at maaalalahanin ng mga nag-organisa ng bazaar.

“Nostalgic din para sa akin na bumalik dito bilang [alumnus] din ng school. Gusto lang din namin i-share ‘yung mga naluluto naming pastry sa students,” pagbabalik-tanaw ni Morales.