
BINIGYANG-LIWANAG ng Animo Christmas 2025 ang pagdiriwang ng De La Salle University (DLSU) ng Pasko para sa pamayanang Lasalyano sa pangunguna ng University Student Government (USG) Office of the President at Executive Treasurer kaagapay ang Office of the Vice President for Lasallian Mission nitong Nobyembre 18 hanggang Disyembre 13.
Pinasinayaan ang selebrasyon sa pagtatanghal ng mga Lasalyano sa Himig ng Pasko: Open Mic Night sa Amphitheater. Tinangkilik at dinumog din ang isinagawang Animo Christmas Bazaar na pumalibot sa kahabaan ng Velasco Hall, St. Joseph Hall, at Don Enrique T. Yuchengco Hall.
Binigyang-parangal din ang mga Lasalyanong nagpakitang-gilas ng kanilang mga angking talento sa iba’t ibang larangan, pagsindi ng Christmas tree at mga pailaw sa opening program, at Animo Christmas Concert sa Corazon Aquino Democratic Space (CADS). Tinapos naman sa ikinasang Lasallian Buddy Day para sa mga bata ang paggunita sa Paskong Lasalyano.
Kapangyarihan ng pagkakaisa
Taos-pusong ibinahagi ni Animo Christmas Events Project Head Zach Quiambao sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na layunin ng selebrasyon na pagkaisahin ang mga Lasalyano at ipaalala ang halaga ng pagmamahalan at pagbibigayan ngayong Pasko. Hinulma ang bawat aktibidad sa ngalan ng pagpapaigting ng inklusibidad, kolaborasyon, at partisipasyon ng pamayanang Lasalyano.
Isinalaysay niyang nagtagal ng isang buwan ang konsultasyon para sa mga programa sa USG, Center for Social Concern and Action (COSCA), Cultural Arts Office, mga opisina ng De La Salle Philippines, at iba pang mga organisasyon. Binusisi rin nila nang maigi ang mga magtatanghal upang masiguro ang positibo at naaayong presentasyon batay sa tema ng selebrasyon.
Nagsagawa ng pagpupulong ang lahat ng mga Lasalyanong boluntir bilang paghahanda sa pagsapit ng naturang programa. Nilayon nitong mailatag ang mga polisiyang nararapat para sa sitwasyon at pangangailangan ng bawat sektor ng DLSU. Siniguro rin ni Quiambao na sapat ang bilang ng mga tauhan sa pag-organisa upang masiguro ang maayos na sistema at sustainable na pagdaos ng mga programa.
Hamon sa pagbibigay ng liwanag
Ipinunto ni Quiambao ang kakulangan sa pondo at oras sa paghahanda para sa Animo Christmas. Ibinunyag niyang nagkaroon lamang ng higit isang buwan ang kabuoang preparasyon para sa naturang selebrasyon. Kinailangan nila ang aktibong komunikasyon ng bawat komite para sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng DLSU at pagkalap ng sponsor sa tulong ng DLSU Parents of University Students Organization.
Aminado si Quiambao na hindi na nila natugunan ang mga hinaing ukol sa liit ng espasyong nakalaan para sa pagdaos ng Animo Christmas Concert. “Dapat pang dagdagan ang mga LED Wall sa area [at] marami pang puwedeng pagpapabuti sa produksiyon ng programa, ngunit kinakailangan ng mas malaking badyet,” giit niya pa.
Ikinabahala naman ni Paolo Panlilio, Team Leader ng Crowd Management, ang kawalan ng barriers at masikip na lokasyon ng konsiyerto. Isiniwalat niya ang kakulangan ng puwersa at koordinasyon ng bawat komite sa pagsasagawa ng programa.
“None of our plans worked because everything that happened during the concert proper was outside our alternative plans, so we had to come up with on-the-spot solutions,” wika niya.
Bigo rin ang kanilang komite sa kakulangan ng pagpapaalala ng tamang pagtatapon ng mga paper cup at pamamahagi ng tubig sa mga nangangailangang Lasalyano sa gitna ng kasiyahan. Handa naman niyang akuin ang mga negatibong komento na maaari niyang matanggap mula sa mga estudyante.
Itinuro naman ni Tacsuan ang puwersa ng lohistika bilang pangunahing pagsubok sa kanilang mga aktibidad. Gayunpaman, tanging aktibong komunikasyon at pagtutulungan ang kanilang sandata upang bigyang-solusyon ang problemang ito.
Kaugnay nito, ipinabatid nina Ry Pagunuran, ID 122 mula BS in Biology major in Medical Biology, at Miguel Asido, ID 125 mula AB Philippine Studies sa APP ang kanilang karanasan sa mabilisang pagpasok sa lugar ng pagdarausan ng pagdiriwang. Tiniis ni Pagunuran ang kainitan dulot ng maliit na espasyo ng programa. Inamin din ni Asido ang magulong paghanay sa pamamahagi ng libreng hapunan para sa pamayanang Lasalyano.
Isinambulat din ni Ashley Angel Gutang, ID 123 mula BS in Biomedical Engineer, ang pagpapalabas sa kanila sa CADS matapos ang pagpapailaw ng Christmas tree at bigong makabalik matapos ang limitadong pagpapapasok ng mga estudyante. Pinahintulutan na lamang silang makapasok sa konsiyerto kasabay ng pagtatanghal ng bandang Itchyworms.
Hindi rin sang-ayon si Gutang sa kaibahan ng set-up ng konsiyerto ngayong taon at mas ninais niyang nasa gitna na lamang ang entablado tulad noong nakaraang taon. Sambit pa niya, mas mainam ang pagkakaroon ng pre-registration form sa pagpapanatili ng kaayusan ng Animo Christmas Concert.
“Siguro gumawa sila ng pre-registration. . . Kasi nakita ko na ang daming gustong manood, maraming nag-aabang pero hindi makapasok,” rekomendasyon niya sa mga nag-organisa.
Pasko para sa kabataan
Sa kabila ng hamong kinaharap ng USG sa mga naunang araw ng pagdiriwang, taas-noong pinanindigan ni Outreach Team Leader Pharell Tacsuan na ang pagbabahagi ng biyaya at pag-asa sa mga nangangailangan ang tunay na diwa ng Paskong Lasalyano. Bunsod nito, pinili ng kanilang komite bilang benepisyaryo ng Lasallian Buddy Day ang mga batang mag-aaral sa tulong at rekomendasyon ng COSCA dahil sa kadalisayan at namumuong pag-asa ng kabataan tuwing Pasko.
Inihanda nila ang naturang programa na may layuning maghatid ng katuturan, kasiyahan, at kabukluran. Binubuo rin ito ng mga aktibidad tulad ng pagtatanghal, palaro, at pamamahagi ng mga pagkain at regalo. “Isang direktang pagpapakita ng pagbabahagi ng biyaya at paglilingkod sa kapuwa—Service to the Last, the Lost, and the Least—na siyang tunay na diwa ng Pasko at Lasallian Mission ng Pamantasan,” dagdag niya pa.
Nilinaw ni Tacsuan na kinonsulta at sinang-ayunan ng COSCA at Office of Student Life ang bawat detalye ng programa, etika ng mga aktibidad, at badyet para rito.
Ipinabatid ni Tacsuan na walang mali sa batang kumakapit sa kaniyang pangarap. “Magtiwala sila sa kanilang mga sarili, manalig sa kanilang mga kakayahan, at patuloy na mangarap at magsikap,” aniya.
Patuloy na pagkutitap
Sumisimbolo para kina Pagunuran at Asido ang Animo Christmas ngayong taon sa pagkakaisa at pakikisama. Handog ng diwa ng programa ang pagiging bahagi sa pamayanang Lasalyano.
Gayundin, nadama ni Gutang ang simoy ng paskong Pinoy mula sa mga ikinabit na dekorasyon sa iba’t ibang bahagi ng Pamantasan.
“Ipinagdiriwang natin ‘yung pananampalataya natin. . . ‘Yung Pasko rin kasi [ay] pagtitipon ng lahat ng tao. No matter kung saan ka nanggaling, ipinagdiriwang natin na lahat tayo Lasallians [at] nasa iisang community tayo,” saad ni Asido.
