Bahay ni Bro: Open House 2025, binigyang-pagkakataon ang pamayanang Lasalyanong masilip ang buhay ng Lasallian Brothers

Kuha ni Alister Oliva

IPINADAMA ng Lasallian Youth Corps (LSYC) ang taunang Bahay ni Bro: Open House 2025 upang masilayan ng mga Lasalyano ang lugar na pinaninirahan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Lasallian Brother sa Brothers’ Quarters sa St. La Salle Hall nitong Nobyembre 18 hanggang 20.

Hinati sa tatlong bahagi ang pagbisita na sinimulan sa paglilibot sa bawat silid nito. Tinalakay din ang pamumuhay ng mga brother at nagwakas naman sa inihandang munting salo-salo ng LSYC para sa mga Lasalyanong dumalo.

Pagdungaw sa Brothers’ Quarters 

Itinampok ng LSYC ang mga pasilidad na kadalasang pinagtitipunan ng mga brother upang maglibang, mag-ehersisyo, at magpahinga. Ibinida rin nila ang mga silid na nagsisilbing pampalipas oras ng mga brother upang maglaro ng isports tulad ng table tennis, makanood ng mga paboritong programa, at ang simpleng pakikihalubilo sa kapuwa. 

Pinasilip din ang kuwarto ni Br. Jeano Endaya FSC na naglalaman ng mga koleksiyon ng laruan at pansariling espasyong pang-ehersisyo. Nasilayan din sa paglalakbay ang mga silid nina De La Salle University (DLSU) President Br. Bernie OCA FSC at Br. Richie Yap FSC na ibinida rin ang kaniyang alagang pagong.

Binigyang-linaw naman ng LSYC ang mga karatulang nakasukbit sa labas ng mga silid bilang tanda ng mga nalalabing araw ng mga bumibisitang brother sa kanilang pamamalagi. Ipinakilala rin nila ang 1911 Community na may malaking silid na maaaring magkasiya ang dalawang miyembro sa isang kuwarto.

Matatagpuan din sa isang silid ang mga koleksiyon ng mga brother tulad ng gintong sapatos na sumisimbolo sa tagumpay ng DLSU Green Archers bilang kampeon ng University Athletic Association of the Philippines Season 76 Men’s Basketball noong 2013.

Dumako rin ang mga Lasalyano sa lugar ng hapag-kainan ng mga brother. Ikinintal ng LSYC na mahalaga ang pagkain nila ng hapunan nang sabay-sabay tuwing ika-6:30 ng gabi. Ipinaalam din nila ang tracker ng mga brother sa bungad ng south wing ng St. La Salle Hall upang matukoy ang mga brother na nasa kanilang silid.

Naghanda naman ang LSYC ng mga aktibidad na layong timbangin ang mga natutuhan ng mga Lasalyano sa naturang paglilibot. 

Buhay Lasallian Brother 

Ibinahagi naman ni Br. Endaya sa naganap na maikling talakayan ang buhay ng isang Lasallian Brother at ang mga kaakibat nitong responsibilidad. “A brother has a passion that aligns with the ministry of education,” paglalagom niya. Maaari rin silang maging bahagi ng administrasyon ng Pamantasan tulad ni Br. Oca na pinamumunuan ang DLSU, De La Salle Santiago Zobel, at De La Salle Araneta University.

Nakagawian na rin ng 11 brother na kabilang sa 1911 Community ang pagsisimula ng kanilang araw sa pagdarasal na susundan naman ng misa tuwing ika-6:00 ng umaga. Tinukoy rin ni Br. Endaya na may mga pamayanan din sila maliban sa Maynila na namamalagi sa Greenhills, Bagac, Dasmariñas, Lipa, Ozamis, Bacolod, at Iligan. 

Ipinagmalaki rin niya ang eskultura ni Hesus na likha ni Daniel Dela Cruz na matatagpuan sa kanilang chapel. Hinikayat din niya ang mga Lasalyanong lumahok sa paglilibot na makiisa sa Brothers’ Live-In Program upang maranasan nila nang maigi ang pamumuhay ng Lasallian Brothers na magsisimula sa Enero 21 hanggang 25, 2026.

Pinahintulutan din ang mga dumalong magpahinga sa veranda na tanaw ang mga gusali sa loob at labas ng Pamantasan. Winakasan ang paglilibot sa inihandang meryenda ng LSYC para sa mga estudyanteng nakiisa sa paglalakbay dahil bihirang pagkakataon lamang masilip ng pamayanang Lasalyano ang tirahan ng mga brother.