Quezon: Pag-akay ng hunyangong bayani sa mga Pilipino

Retrato mula TBA Studios

“Masyadong maraming politiko sa bansa, kaunti lamang ang lingkod-bayan.”

Sa laro ng politika, nagkakaubusan ng dignidad, delikadesa, at walang katapusan ang katakawan sa kapangyarihan. Ito ang namamanang sakit ng mga politikong naghahangad na maging simbolo ng kapurihan—mga hindi makatanggi sa kapangyarihang natatapat sa kanila. Lumalabas dito ang kanilang uhaw na ilubog ang mamamayang Pilipino sa hukay ng utang na loob—isang naratibong politiko ang bayani at sambayanang Pilipino ang may sala.

Sa direksiyon ni Jerrold Tarog, unti-unting minulat ng pelikulang Quezon ang mamamayan sa paglalahad ng katotohanan sa buhay at mukha ng mga binobotong politiko. Nangingibabaw pa rin sa kasalukuyan ang mga mapaglarong kulay ng iba’t ibang partidong niyuyurakan ang isa’t isa, kaakibat ang samot-saring karumihan sa kanilang mga palad. Pinapaigting ng dumaraming kaso ng korapsiyon sa bansa ang pagkalunod ng Inang Bayan sa mga politikong walang matimyas na ulirat para sa mga Pilipino. 

Sa pagpuputol ng gayumang nakakontrol sa mga tao, mahalagang magkaroon ng kritikal na mata at mapang-usisang tainga. Mula sa pelikulang ito, maaamoy ng madla ang lansang umaalingasaw sa larangan ng politika.

Pagkasa ng kapangyarihan

Nagsimula ang pelikula sa tagpo ng kapistahan ng pagkapanalo ni Manuel Luis Quezon, na ginampanan ni Jericho Rosales bilang Pangulo noong 1935. Muli namang bumalik ang gampanin ng kathang karakter ni Joven, isang periodista na sumubaybay sa loob ng mga pelikulang “Heneral Luna” at “Goyo: Ang Batang Heneral.” Tinahak ng mga lente ni Tarog ang pagkokompara sa mas batang Quezon at sa politikong Quezon gamit ang pagbabalik-tanaw na pagsasalaysay.

Bilang isang periodista, sinubaybayan ni Joven si Quezon mula sa panahong hinuhubog pa lamang niya ang kaniyang pangarap hanggang sa sandaling inaakay na niya ang buong bansa. Pinintahan ng iskrin ang kanilang nagbibinatang mukha at ang pag-usbong ng kanilang mga hangarin at ugnayan bilang magkaibigan. Nasangkot si Joven sa laro ni Quezon, bilang isang musmos na gustong makita ang tagumpay ng kaniyang kasangga, at bilang isang periodistang nasilaw sa oportunidad. Naging kondisyonal ang kanilang pagkakaibigan at umikot ang kanilang samahan sa impluwensiya kaysa sa tunay na pagtitiwala.

Tulad ng ibang politikong tanyag sa kasalukuyan, bihasa si Quezon sa mapanlinlang na laro ng kapangyarihan. Naghain si Quezon ng liwanag para sa mga Pilipino, ngunit ito rin ang naging bala niya sa pagsungkit ng boto tuwing eleksiyon. Kabisado na nito ang pasikot-sikot sa pangangampanya; inaasinta ang mga humahadlang sa kaniya at nilalaro ang mga tao sa kaniyang paligid tulad ng mga piyesa sa ahedres. 

Bukambibig ni Quezon sa buong pelikula ang hangarin niyang makamit ang independensiya mula sa Estados Unidos at mahatid ang pagbabago para sa Inang Bayan. Pigil-hininga niyang inasam na matawag siyang bayani ng mamamayan sa laylayan at masamba ng mga makapangyarihang nakatataas. 

Matagumpay na nailarawan ng pelikula ang tunay na anyo ni Quezon dahil binasag nito ang malaanghel niyang imahen at inilantad ang maruruming taktikang nagsilbing pakpak nito.  Ipinakita ng pelikula ang kaniyang kasabikan para sa kapangyarihan at ang kaniyang malabong katimyasan sa paglilingkod sa bayan. Walang awat ang kaniyang paglalaro sa politika upang mapaganda ang kaniyang reputasyon sa mga mata ng taumbayan.

Sugo ng mga balimbing

Sumilip ang pelikula sa pamumuhay noong 1930s at binigyang-pokus nito ang mga pinagdaanan ni Quezon. Sa bawat tagpo, unti-unting nalalatag bilang tagapaglingkod ng bayan ang kaniyang mga kontribusyon at kapintasan. Sa pagbubunyag ng mga ito, nabawasan ang labis na kinikilingang pananaw sa kaniya at unti-unting lumitaw ang anyong matagal niya nang ikinubli. 

Bilang abogado, tinahak ni Quezon ang kaniyang mga pakana sa paglilingkod sa mga nasa laylayan. Naging mapaglaro siya sa tulong ng mga kapuwa politiko at mga sugong kaniyang hinikayat. Bilang magaling na manlalaro, umabot ang kapangyarihan sa pagmomonopolyo ng impormasyon sa bayan upang makuha ang kalooban ng mga tao at matamo ang posisyon ng Pangulo.

Bilang mga sugo, ipinakita ng pelikula ang kanilang pagkakatulad kay Quezon—mga hunyangong nagpapakita ng huwad na pagkatao ng mga Pilipino. Lubos nilang inabuso ang kapangyarihan at tumatak sa pelikula ang kanilang pagsunod sa yapak ng mga mananakop. Bunga ito ng kanilang kagutuman para sa pagkakakilanlan at pagpapabaya sa tungkulin para sa bayan.

Tumatagos sa kasalukuyang politika ang ilang mga katangian ni Quezon at ng mga sugo. Kabilang dito ang hangaring palakasin ang bayan, ang paniniwalang napapaikot ng pera ang mundo, at ang pag-aakalang sila ang may-ari ng bansa. Ilang panahon pa ang lumipas, patuloy pa rin itong sumasalamin sa realidad ng pamumunong umiiral hanggang ngayon.

Lilim ng katotohanan

Walang pagkukulang na hindi mabubunyag sa oras na mailantad ang katotohanan sa lipunan. Habang nakakapit sa kapangyarihan ang mga nasa kataas-taasan, nagagamit pa rin nila ito upang baguhin ang nakasulat at pinag-aralang kasaysayan. 

Sa kabuoan, higit pa sa isang pelikula ng kasaysayan ang Quezon—isa itong sining na humahamon sa kamalayan ng bawat Pilipino. Sa pagpapabango sa pangalan ni Quezon bilang bayani, malinaw sa pelikulang inuuna niya ang pagpapakinang ng sariling reputasyon bago ang tunay na paglilingkod sa bayan. 

Ipinapaalala nito ang kahalagahan ng kapangyarihan at ang mga katiwaliang patuloy na umaagos hanggang sa kasalukuyang panahon. Tumatayong ilaw sa dilim ang Quezon, paanyaya tungo sa pagiging mulat, mapanuri, at matatag sa pagharap sa mga anino ng panlilinlang.