Pagkamit ng mith11n: Green Archers, ibinalik ang trono sa kanlungan ng Taft

Kuha ni Florence Osias

KINORONAHAN ang De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos siilin ang sandatahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 80–72, sa pagwawakas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 17.

Hinirang na Finals Most Valuable Player si DLSU Team Captain Mike Phillips matapos kumamada ng double-double output na 25 puntos, 18 rebound, at tig-isang assist at block.

Nagsilibing tanglaw naman para sa mga taga-Diliman si floor general Rey Remogat na nagpasiklab ng 21 puntos, tatlong rebound, at tig-dalawang assist at steal.

Dumagundong ang The Big Dome sa mainit na pag-arangkada ng magkabilang panig, 9–all, na agad ding binasag ng magkasunod na hook shot ni Kapitan Phillips, 13–9, ngunit hindi nagpatinag si UP veteran Reyland Torres na inakay ang opensa ng Fighting Maroons, 17–16, bago humirit muli ng layup si Phillips upang isara ang unang kabanata, 19–16.

Maaksiyong sinalubong ni UP power forward Francis Nnoruka ang ikalawang yugto nang magpasiklab ng anim na puntos para sa Diliman mainstays, 20–22, na agad na nirespondehan ng mga manunudlang sina Vhoris Marasigan, Kean Baclaan, at Phillips sa ika-6:54 na marka, 30–22.

Pinilit pang paigtingin ni small forward Earl Abadam ang kalamangan gamit ang mid-range jumper, 40–37, ngunit naudlot ito nang ibalik ni UP skipper Gerry Abadiano ang bentaha sa mga Diliman buhat ng dalawang free-throw sa pagtatapos ng first half, 40–41.

Pagdako sa ikatlong bugso, nagising ang diwa ng pamayanang Lasalyano sa biglaang pagbulusok ni Abadam para sa slam dunk, 42–41, subalit namuhunan mula sa mid-range ang mga pambato ng Diliman upang sikwatin ang bentaha, 58–59.

Agad na pumoste sina Phillips at Abadam sa loob at labas ng arko para sa hanay ng Taft sa pagbulusok ng huling yugto, 63–59, subalit nanalasa ng 8-1 run ang sandatahan mula Diliman sa pangunguna ni Remogat na kumamada ng dalawang dos at isang tres sa ika-4:09 na marka, 64–67.

Gayunpaman, pumorsiyento sa opensa ang Taft mainstays sa bisa ng mga free-throw ni Mason Amos at dalawang two-point field goal ni Marasigan pagdako sa ika-2:15 ng orasan, 71–67, na inalalayan pa ni shooting guard JC Macalalag ng fastbreak play sa nalalabing 31.7 segundo, 76–69, bago selyuhan nina Amos at Baclaan ang kampeonato sa free-throw line, 80–72.

Pagpapabatid ni Luis Pablo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ng kaniyang saloobin sa pagkamit ng tagumpay pagkatapos ng ilang buwang pagpupunyagi, “We just did the work, sinuklian lang ni God ‘yung ginawa namin. . . Super thankful and super happy lang na despite the challenges na binato sa amin, [nagbunga pa rin] ‘yung perseverance namin.”

Matapos ang makasaysayang ika-11 kampeonato ng Green Archers sa UAAP, magpapaalam sa koponan ang graduating seniors na sina Phillips at Bright Nwankwo.

Mga Iskor:

DLSU (80) – Phillips 25, Amos 11, Marasigan 10,  Cortez 9, Abadam 9, Baclaan 8, Macalalag 4,  Pablo 4, Gollena  0.

UP (72) – Remogat 21, Nnoruka 16, Torres 11, Abadiano 7, Alarcon 6, Stevens 6, Bayla 3, Alter 2, Fortea 0, Belmonte 0, Yñiguez 0, Palanca 0.

Quarterscores: 19–16, 40–41, 58–59, 8072.