
SINUPALPAL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang atungal ng National University (NU) Bulldogs, 78–73, sa kanilang do-or-die match sa Final Four round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum kahapon, Disyembre 6.
Hinirang na Player of the Game si DLSU shooting guard Jacob Cortez matapos magrehistro ng 29 na puntos, tig-apat na rebound at assist, at isang steal.
Umagapay din ang tambalang Earl Abadam at Vhoris Marasigan na kumamada ng pinagsamang 24 na puntos.
Nagsilbing tanglaw naman para sa Jhocson-based squad si small forward Jake Figueroa matapos lumikom ng 21 puntos, anim na rebound, limang assist, dalawang steal, at isang block.
Maaksiyong sinimulan ng Taft-based squad ang bakbakan nang itabla nina Cortez at Abadam ang talaan sa loob at labas ng arko, 10–all, na inagapayan pa ni point guard Kean Baclaan gamit ang driving layup sa 2:26 na marka, 14–all, ngunit humarurot ang NU upang angkinin ang bentahe sa unang yugto, 14–20.
Palitan ng hiyawan mula sa magkabilang panig ang sumalubong sa ikalawang kuwarter matapos magsalitan sina Bulldog Figueroa at Green Archer Marasigan ng tirada sa labas ng arko, 19–27, ngunit umarangkada ang puwersa ng mga taga-Jhocson buhat ng midrange shots nina Figueroa at PJ Palacielo, 21–34, bago umukit ng sariling bersiyon ng pagratsada ang Taft mainstays mula sa mga field goal ni Abadam, 26–34, na siyang sinamantala ni Kapitan Mike Phillips upang bumandera ng putback sa pagtatapos ng first half, 30–36.
Nagpatuloy ang pagliyab ng Berde at Puting panig pagpasok ng second half matapos umukit ng 16–6 run sa pangunguna ni Cortez na nagpasiklab ng walong puntos, 46–42, na mas pinaningas pa ni Abadam gamit ang fastbreak play mula sa steal ni shooting guard JC Macalalag kaakibat ang foul, 51–44, ngunit nanaig pa rin ang tulin ng mga Bulldog sa pagtatapos ng ikatlong yugto sa bisa ng mga tirada nina Figueroa, Omar John, at Jolo Manansala, 53–54.
Maalab na sinalubong ni Macalalag ang huling yugto nang kumamada ng tres para sa mga nakaberde, 58–all, ngunit pansamantalang naparalisa ang mga manunudla sa mga binitawang tres nina NU point guard Reinhard Jumamoy at Manansala, 61–66, bago isalansan nina Cortez at Phillips ang panagot na mga tirada upang muling itabla ang talaan, 66–all.
Nagpatuloy ang gitgitan nina Figueroa at Cortez hanggang sa pagpatak ng 1:40 ng orasan, 72–71, ngunit tuluyan nang sinindihan ni Cortez ang silo para sa mga taga-Taft nang pumukol ng midrange jump shot, 74–72, bago iwagayway ni Mason Amos ang Berde at Puting watawat sa free-throw line, 78–73.
Matapos ilabas sa kort sa nalalabing 42 segundo ng huling yugto buhat ng masamang pagbagsak mula sa tangkang rebound, ibinahagi ni Macalalag sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na maayos ang kaniyang kasalukuyang kalagayan, ngunit kukumpirmahin pa ang kaniyang kondisyon sa mga darating na araw.
“No’ng natatalo kami no’ng first [and] second round na parang [sinasabi ng bashers na] ‘wala ng chance,’ ‘yung faith namin sa sarili namin and sa bawat isa [para] manalo [ay] hindi nawala. And number one din talaga si God na buong team [kasi] hindi niya kami pinabayaan,” sambit naman ni Baclaan sa APP tungkol sa dinanas ng luntiang koponan bago maibulsa ang tiket sa finals.
Bunsod ng tagumpay, muling makikipagtuos ang Green Archers sa pinal na yugto ng torneo sa ikatlong sunod na taon kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-4:00 n.h. ngayong Miyerkules, Disyembre 10.
Mga Iskor:
DLSU (78) – Cortez 29, Abadam 14, Marasigan 10, Phillips 8, Macalalag 8, Baclaan 4, Amos 3, Pablo 2, Gollena 0.
NU (73) – Figueroa 21, Manansala 13, Palacielo 13, John 6, Padrones 6, Jumamoy 5, Garcia 4, Parks 4, Enriquez 1, Santiago 0, Francisco 0, Tulabut 0.
Quarterscores: 14–20, 30–36, 53–54, 78–73.
