Posisyon ng mga kandidato sa mga isyung pangkampus at panlipunan, tinimbang sa Malayang Talakayan 2025

Kuha ni Lymuelle Bautista

NAGTAGISAN ang mga kandidato mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON), Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), at isang independiyenteng kandidato sa kanilang mga saloobin hinggil sa mga isyung pangkampus at panlipunan sa isinagawang Malayang Talakayan ng De La Salle University (DLSU) Commission on Elections (COMELEC) sa Room 509 Yuchengco Hall nitong Nobyembre 15.

Nagsilbing tagapamagitan ang mga kinatawan ng La Salle Debate Society at DLSU Judiciary upang matiyak ang payapang daloy ng talakayan. Pinangunahan ang tapatan ng mga kandidato para sa batch representatives, kasunod ang mga tumatakbong batch legislators, at winakasan naman ito sa isang open forum para sa lahat ng mga manonood. 

Kredibilidad sa hanay ng USG

Tinuligsa ni Matthew Miranda, tumatakbong CATCH2T29 Batch Representative (BR), ang paghawak sa maraming posisyon ng ilang mga opisyal sa hanay ng University Student Government (USG). Iginiit ni Miranda na ipinagkakait ng naturang problemadong kalakaran ang oportunidad sa ibang Lasalyanong makapagserbisyo sa USG.

Pinagtibay ni Jerard Benitez, kandidato para sa FOCUS2025 BR, ang naunang panawagan ng COMELEC sa ilang mga opisyal na bumitiw sa kanilang mga karagdagang posisyon. Giit pa ni Benitez, “These jobs need to be given to someone else, not with single person for whatever reason.”

Tinukoy rin ni Kate Ferrer, tumatakbong EXCEL2028 BR, ang kakulangan sa pakikipag-ugnayan ng USG hinggil sa pagkakaroon ng mga bakanteng posisyon sa kanilang opisina bilang rason ng naturang paglabag sa batas.

Pinuna naman ni Yesha Gutierrez, tumatakbong FAST2025 Batch Legislator (BL), ang komplikadong proseso ng paghahain ng mahahalagang rekisito upang maging kandidato sa eleksiyon sa Pamantasan. Dagdag pa ni Gutierrez, nagdudulot ang naturang proseso ng kawalan ng mga posibleng kandidatong may kakayahang magserbisyo sa mga Lasalyano.

Nanawagan si Teo Pangilinan, kandidato para sa CATCH2T29 BL, sa COMELEC na magkaroon ng maluwag na proseso sa paghahain ng kandidatura tuwing eleksiyon. Ipinunto ni Pangilinan na mapalalalim nito ang plataporma ng mga kandidato at maayos na mailalatag ang kanilang inaasahang serbisyo para sa Pamantasan. “[COMELEC] could be more lenient such as in typographical errors,” pahiwatig niya.

Nanindigan pareho sina Gutierrez at Pangilinan sa patuloy na pagkakaroon ng botong abstain sa botohan sa kabila ng kawalang-interes ng mga estudyante sa pagboto. Pagdidiin ni Pangilinan na inaalisan ng kalayaang bumoto ang mga estudyante batay sa kanilang paninindigan sakaling tanggalin ang naturang opsiyon.

Paglilinaw pa ni Pangilinan, “Abstain, in the context, is a voter dissatisfaction. . . I don’t think it is a failure of [the] election.” 

Samantala, binigyang-diin ni Gutierrez ang pagpapaigting ng pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa nagaganap na eleksiyon at iminungkahing maghanap pa ng mga kandidatong may sapat na kakayahang pukawin ang interes at tiwala ng mga estudyante. 

Katatagan ng boses at ugnayan

Binatikos ni Ferrer ang kakulangan ng komunikasyon sa pagitan ng administrasyon at mga estudyante. “The administration [of DLSU]. . . They lack connection with each batch,” wika niya. 

Iminungkahi ni Ferrer ang pagkakaroon ng malalim at malawakang pag-anunsiyo sa mga isyung nararanasan sa Pamantasan gamit ang pagsagot ng mga sarbey. Kaakibat nito, ibinida ni Ferrer ang kaniyang platapormang EconPASS na naglalaman ng listahan ng mga serbisyong kanilang hatid sa Pamantasan.

Inilatag din ni Benitez ang kaniyang proyektong Frosh Correspondency na naglalayong magtakda ng kinatawan sa bawat batch bilang agarang pagtugon sa hinaing ng mga estudyante. Layon ding tukuyin ng naturang proyekto ang mahahalagang pangyayari sa USG tulad ng mga panukalang batas ng Legislative Assembly.

Ibinunyag naman ni Miranda ang kalayuan ng loob ng kaniyang kinabibilangang kolehiyo sa hanay ng USG. Kaugnay nito, binigyang-diin niya ang pagsusulong ng transparency sa USG upang mas mapalapit ang mga Lasalyano sa kanilang plataporma. “To sit with the students, not above them. To picture ourselves in their shoes,” saad niya. 

Ninanais pang ilunsad ni Miranda ang sistema ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa Pamantasan upang isulong ang mga in-person na programang  pagtitibayin ang ugnayan sa pamayanang Lasalyano. 

Panawagan para sa pananagutan

Binatikos ni Benitez ang isyu ng kakulangan ng katapatan at pananagutan sa pamamalakad ng USG. Ninanais niyang kondenahin ang isyu ng nepotismo ang malawakang pagtakbo ng mga kandidatong may kaugnayan sa ilang miyembro ng USG.

“We have a responsibility to fight an absolute corrupt government. . . We are against any bit of corruption in [College of Science],” paninindigan niya. 

Hinimok din ni Benitez at Ferrer ang pamayanang Lasalyanong patuloy na tumindig laban sa malawakang korapsiyon sa bansa. Kaakibat nito ang pagbabalik-tanaw at pagmumungkahi ni Ferrer sa mga walkout, habang tinuligsa naman ni Benitez ang kakulangan ng pamamahagi ng impormasyon sa naganap na walkout nitong Oktubre.

Samantala, suportado ni Gutierrez ang paglalabas ng pahayag ng mga partidong politikal sa DLSU ukol sa mga napapanahong isyu sa bansa. Aniya, “Through simple statements ng mga political parties, nakikita natin ang mga paniniwala ng leaders.”

Ibinida naman ni Ferrer ang kaniyang platapormang open forum sa ilalim ng nasasakupang kolehiyo na naglalayong hingin ang kanilang mga suhestiyong solusyon ukol sa mga nararanasang problema ng mga estudyante.

Gayundin ang pagtindig ni Miranda sa nararapat na puwersa ng USG ukol sa pagsasagawa ng mga platapormang tumutugon sa kasalukuyang isyu ng bansa. “As Lasallians, we [must] stay aware of political issues, to build the gap between what is true and false,” pagmumungkahi niya.

Binuksan naman ni Sevilla ang kaniyang katayuan sa kasalukuyang polisiya ng Pamantasan sa pagkakaroon ng latin honor. Ninanais niyang makipag-ugnayan sa administrasyon, kaakibat ng mungkahing pagrebisa nito para palawigin ang oportunidad sa mga estudyante na makamit ang naturang mga parangal.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Cruz ang kaniyang platapormang Pulsong COS bilang daluyan ng mga reklamo o suhestiyon ng mga estudyante hinggil sa mga problemang kanilang dinadanas sa kolehiyo.

Tinukoy rin ni Pangilinan ang pangangailangan ng mas pinaigting na transparency sa CCS grievance manual ukol sa mungkahing pagrepaso sa naturang batas. “I’m trying to have a more transparent system,” paninindigan ni Pangilinan.

Pinarangalan si Benitez bilang best speaker sa kabuoan ng debate pati na rin sa unang yugto ng programa. Gayundin, ginawaran si Gutierrez ng parehong parangal para naman sa ikalawang yugto.