Mga adhikain ng mga kandidato para sa pamayanang Lasalyano, inilatag sa MDA ng SE 2025

Kuha ni Trish Tuviera

INIHAIN ng mga kandidato mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON), Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), at ng isang independiyenteng kandidato ang kanilang mga plataporma sa pamayanang Lasalyano sa idinaos na Miting de Avance ng Special Elections (SE) 2025 sa Yuchengco Lobby nitong Nobyembre 12.

Binigyan ng De La Salle University (DLSU) Commission on Elections ng sapat na oras ang bawat tumatakbong batch officer para ipaliwanag ang kani-kanilang mga plano, hangarin, at mensahe bilang mga bagong opisyal ng DLSU University Student Government (USG).

Liderato para sa batch

Tinumbok ni kumakandidatong EDGE2025 Batch Representative (BR) Yumi Ziga mula sa SANTUGON ang kahalagahan ng representasyon sa gitna ng mga problema. Pinunto rin niya ang importansiya ng aktibong pagseserbisyo sa komunidad hinggil sa pagtupad ng nararapat na pamayanan para sa mga Lasalyano.

Tinalakay naman ni Hanelle Chua, CATCH2T29 BR mula SANTUGON, ang pagsusulong ng mga oportunidad at kahandaan ng mga estudyante sa pakikilahok sa mga patimpalak. Siniguro naman ni tumatakbong CATCH2T29 BR Matthew Miranda mula sa TAPAT ang pagsulong ng 24/6 Student Services Platform at Electronic Donation Drive na may kaakibat na insentibo para sa mga estudyante.

Nanindigan si Kate Ferrer, EXCEL2028 BR mula SANTUGON, sa platapormang “leading a future of economic excellence” para sa kaniyang batch government. Isinalaysay niya rin ang proyektong EconStar na layuning makapagbahagi ng modules para sa mga estudyanteng ID125 mula sa Carlos L. Tiu School of Economics.

Pinasaringan naman ng natatanging independiyenteng kandidatong tumatakbo bilang FOCUS2025 BR na si Jerard Benitez ang pampolitikang sistemang umiiral sa USG na binansagan niyang umiikot lamang sa mga partido. Ibinahagi rin ni Benitez ang kaniyang mga plano gaya ng support at guidance programs at science art exhibits.

Tiniyak din ni FAST2025 BR Samatha Loh ng SANTUGON ang pagsusumikap sa pagkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa kaniyang batch sa tulong ng kaniyang proyektong ID Want-to-Find.  

Samantala, inilatag ni kumakandidatong FOCUS2025 BR Cheska Cruz mula sa SANTUGON ang paglunsad ng Digital eCOSystemn na magsisilbing centralized reviewer system at ang Project FRONTIER na isang online at onsite job expo para sa kaniyang batch.

Nagtapos ang kampanya ng mga BR kay tumatakbong BLAZE2028 BR Migs Osis mula sa SANTUGON. Binigyang-diin niya ang kaniyang kahandaan upang maglingkod sa mga Lasalyano. Isinusulong ni Osis ang Project MAPA bilang gabay sa mga estudyante sa kanilang buhay-kolehiyo.

Representasyon sa lehislatura

Itinampok ni Janah Barret, tumatakbong EDGE2025 Batch Legislator (BL) ng SANTUGON, ang USG Information Accessibility Initiative na layong paigtingin ang transparency sa loob ng USG. “Deserve nating marinig, maunawaan, [at] mapabilang, hindi lamang sa election period, kundi sa bawat araw na bahagi tayo ng DLSU,” diin niya.

Ibinida ni tumatakbong EDGE2024 BL Andrea Soriano mula sa TAPAT, na nagsalita rin para kay EDGE2025 BL Richard Copon, ang pagpapasa ng Inclusive Education and Equal Opportunities Act na nakaangkla sa kanilang layuning umakda ng mas inklusibong mga batas para sa pagtataguyod ng pangmatagalang solusyon sa mga isyung pampamantasan.

Naninindigan din si Teo Pangilinan, tumatakbong CATCH2T29 BL ng TAPAT,  sa pagbabagong nakatuon sa pagdinig at pag-unawa sa mga Lasalyano. Ibinahagi rin niya ang kaniyang layuning rebisahin ang College of Computer Studies (CCS) Grievance Manual. “You deserve answers, you deserve clarity, and most importantly, you deserve actions,” paninindigan niya.

Binigyang-tuon ni Yesha Guitierrez, kumakandidatong FAST2025 BL ng SANTUGON,  ang pagpapaigting ng karapatan at kapakanan ng bawat estudyanteng ID125 sa College of Liberal Arts (CLA) sa kaniyang platapormang Priority Lane Agenda. Payayabungin din niya ang mga inisyatibang nagpapaigting ng social awareness at national involvement ng mga Lasalyano.

Huli namang itinampok ni Therese Sevilla, kumakandidatong BLAZE2028 BL ng SANTUGON, ang pagpapalawig ng Archers Helpline. Layon nitong agarang matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante. “I will make sure that student concerns are heard and acted on,” pangako niya.