
Pumagitan sa mga ilaw ng entablado at anino ng kasaysayan ang hantungang dahan-dahang binuksan. Sa pag-ikot ng mga palad, pagtaas ng mga kamay, at pagdulas ng mga paa sa sahig, muling binuhay ang kulturang matagal nang namahinga sa alikabok ng mga alaala.
Sa diwang damhin ang mga bulong ng pagkakakilanlang Pilipino, pinatnubayan ng La Salle Dance Company – Folk (LSDC-Folk) ang mga Lasalyano sa paglalakbay sa “uLayaw: 12th Anniversary Dance Concert” sa Teresa Yuchengco Auditorium nitong Oktubre 25. Ipinakitang-gilas ng mga Lasalyanong mananayaw ang sining ng pag-indak na sumasalamin sa kolektibong kasaysayan, mula sa mga ritwal ng katutubong lipi hanggang sa mga indayog na hinubog ng impluwensiyang banyaga.
Binigyang-hugis ng LSDC-Folk ang mga koreograpiyang umuugat sa bayan, kasabay ang himig na handog ng Balangay Dance Troupe and Rondalla at sa ilalim ng malikhaing direksiyon nina Ryan Castillo, Joanna de Leon, at Learnard dela Victoria. Sa paglapat ng tugtugin, sumisiklab ang mga panatang binhi ng pakikibaka at pag-ibig sa kultura at sining ng bayan.
Pagtawid sa salinlahi
Masid ang limang silwetang humahawi sa dilim. Sa entrada ng “Jota de Paragua” ng Palawan, ginising ang madla sa pagpintig ng Kastilang kumpas. Humalik sa sahig ang mga talampakan at umugong ang pinaghalong kisig ng mga kastanyetas at lambing ng kababaihang tila talulot na nalalaglag sa pag-ikot ng panahon.
Lumambot naman ang liwanag sa “Estudiantina” nang lumakad na mistulang panalangin ang mga dalagang nakaputi’t ginto. Mula sa baybaying bayan ng Unisan, Quezon, itinaas nila ang mga librong sagisag ng karunungan habang suot ang mga ngiting sumisilip sa mukha ng konserbatismo.
Isang dula ng pag-ibig at lihim na pagnanasa ang nagpalalim sa balwarte ng tanghalan sa pagpasok ng “Jota Gumaqueña”—sayaw ng panliligaw na umiinog sa pagitan ng paglapit at paglayo. Pagdako sa “Pitik Mingaw,” nasilayan ang mga banayad na hakbang, ngunit umaalab sa kanilang mga titig ang panunumpa at pananabik.
Muling sumigla ang entablado sa “Sayaw sa Cuyo” at “Jota Manileña” sa pagsabog ng mga kulay. Mula Cuyo, Palawan, nasilayan ang talbog ng mga paang tumatadyak sa pampang ng pag-asa. Paglapag sa Maynila, unti-unting pinatikim ang makabagong komposisyong hinulma sa porma ng katutubo at kontemporaryo.
Sa huling kalabit ng kuwerdas ng gitara, pinagsaluhan sa “Habanera Botolena” ng Zambales ang kapistahang hitik sa kulay, galaw, at sigla ng Cuban-habanera. Tangan sa kanilang pag-ikot ang nagkikislapang mga mata at humahalakhak na mga labi bilang pagtatagpo ng mga pusong kinikilala ang pagkakaiba.
Langit at lupa ang maestro
Sa pagpapatuloy ng gabi, pinalibutan ng mga huni ng kalikasan ang pagsilay ng mga sinaunang ritwal ng lupa. Maingat na iwinasiwas ng gumanap na babaylan ang palaspas sa pagbibigay-anyo sa “Inim” ng Tagbanua, Palawan. Humagkis pa ang patalim at marahas na isinuko ang katawang sumasagisag sa tulay ng diyos at ng daigdig.
Kumalansing naman ang bakal sa mga bukong-bukong ng kababaihang nagpaalab sa “Dugso” ng Talaandig sa Bukidnon bilang pasasalamat sa kasaganaang hatid ng anito ng kagubatan. Handog naman ng “Madal T’Boli” ng South Cotabato ang pagpapakilala sa mga telang waring mga agilang ikinakampay sa himpapawid.
Ipinagpatuloy pa nila ang pagtatanghal sa “Sua Ku Sua” ng mga Tausug. Humalimuyak sa entablado ang bango ng kultura. Gamit ang dalawang puting pamaypay, pinatitikwas sa hangin ang mga dahong tila sumasabay sa himig ng kapayapaan at kapatagan ng Sulu.
Pinaigting ang himig ng dagat sa sagradong “Pangalay” ng kaparehong tribo. Sa mabagal na pagdampi sa kulintang, umalunignig ang mga daliring may mahahabang kukong nag-iingat sa bawat hampas ng hangin. Umusal pa ng kariktan ang kanilang makapigil-hiningang pag-akyat; yumuko ang mga kawayan bilang pagpupugay sa sining ng bayan.
Nagmistulang mga kitikiti naman ang mga mananayaw sa paligsahan ng mga puso sa “Kinugsik-kugsin” ng mga Manobo. Sila ring tila mga ardilyang lumambitin sa himig, naglalaro sa pagitan ng paninindak at panunuyo. Ngunit ipinihit ng “Sohten” ng mga Subanen ang tempo ng gong upang iharap ang mga brasong humihingi ng basbas, pinag-iisa ang dangal at diwa ng kanilang lahi.
Hilagang pamana
Mula timog, umakyat ang dagundong ng trumpeta tungong Hilagang Luzon. Umalingawngaw ang tugtog ng “Kayabang” mula sa kabundukan ng mga Ibaloi sa Benguet. Sukbit ang mga basket sa likuran, marahan nilang hinawi ang kanilang mga palad kasabay ng pagpalakpak upang itaboy ang masasamang espiritu.
Sa paglipat sa Cordillera, unti-unting lumiwanag ang awditoryum upang masaksihan ang ginintuang mga galaw ng panliligaw sa “Salip”. Iniladlad nila ang mga telang sinasabayan ng paulit-ulit na yabag, mga galaw na nagninilay sa mga pusong humihingi ng pahintulot na manirahan sa isa’t isa.
Papalapit sa kasukdulan ng gabi, pumailanglang sa “Chalijok” ang pagaspas ng mga telang anyong pakpak na naglalagos sa hangin, isang panalanging iniaalay bilang tugon sa yaman ng lupa. Pagdako ng sandaling nagtipon ang lahat, nagmaliw sa iisang hulma ang kanilang mga galaw upang ipagdiwang ang puspos na pasasalamat sa isang masaganang ani.
Sa gitna ng pangwakas na pagtatanghal, naputol ang musikang sinusundan ng grupo. Saglit mang nabaon sa katahimikan, hindi hinayaan ng madlang mawalan ng ritmo ang mga mananayaw. Sa kanilang palakpak, muling nabuhay sa bulwagan ang tibok ng pagkakaisa, pumipintig sa layuning nagbubuklod sa kabila ng pagkakaiba.
Paghagilap sa pagkilala
Binubuhay ng uLayaw ang pamana ng mga ninuno. Hinahagilap ng bawat indak ang ugat ng bayan—sa liwanag man ng pinagmulan o sa anino ng mga dayuhan. Sa pagdampi ng bawat galaw, dumadaloy ang kapangyarihang pagtagpuin ang nakaraan at kasalukuyan, tinuturuan ang bayang marunong magmahal at tumanggap sa gitna ng pagkakaiba.
Sa susunod na paglalakbay, handa ka na bang maging ka-ulayaw sa ritmo ng panibagong simula?
