
NAGLIMBAG ng magkaibang resulta ang De La Salle University (DLSU) Green Paddlers matapos durugin ng Adamson University Men’s Table Tennis Team, 1–3, at University of the Philippines (UP) Men’s Table Tennis Varsity Team, 1–3, sa bungad ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Table Tennis Tournament sa Amoranto Stadium, umaga ng Nobyembre 18.
Pagdako ng hapon, lumagapak din ang Taft mainstays sa defending champions University of Santo Tomas (UST) Tiger Paddlers, 0–3, at karibal na Ateneo de Manila University Men’s Table Tennis Team, 0–3.
Gumising naman ang Green Paddlers sa dinanas nilang bangungot nang buhayin ang pag-asang tumungtong sa Final Four ng torneo matapos gapiin ang University of the East (UE) Men’s Table Tennis Team, 3–1, at Far Eastern University (FEU) Men Tamaraw Paddlers, 3–1, sa parehong lunan kahapon, Nobyembre 19.
Pagpusyaw ng dilaab
Agad na napuwing si Green Paddler Red Torres sa mga balahibong ikinalat ng palkong si Amiel Aroma, 11–9, 7–11, 9–11, 11–5, 9–11.
Hinagupit din si Taft mainstay Andrei Villacruel ng umaalimpuyong bagwis ng San Marcelino-based paddler na si Joshua Lascano, 9–11, 9–11, 11–7, 7–11.
Inihawla naman nina Joseph Noriega at Peter Zambrano ang San Marcelino duo na sina Jhon Balucos at Aldrean Gacho sa doubles match, 11–3, 11–7, 7–11, 14–12.
Tuluyan nang yumukod ang luntiang kampo nang bigong apulahin ni DLSU veteran Dino Marcelo ang naglalagablab na 7–0 run ni Adamson player Amiel Sumadsad sa deciding set, 9–11, 11–1, 7–11, 12–10, 7–11.
Nagapi si Villacruel kontra UP player Gabriel Nieva sa pagsisimula ng ikalawang bakbakan ng luntiang koponan, 12–14, 11–8, 11–13, 7–11.
Minarkahan naman ni Torres ang talaan ng DLSU nang dominahin ang iskolar ng bayan na si Dirk Odian III sa second singles match, 12–10, 11–6, 11–5.
Natalisod muli ang tambalan nina Noriega at Zambrano matapos magtala ng reverse sweep ang Diliman duo na sina Mark Aguilar at Benzdio Florida, 11–7, 11–8, 8–11, 6–11, 10–12.
Tinangka pa ni sophomore Yvess Reg na salbahin ang Green Paddlers sa lusak, bago bumalikwas ang pinakawalan niyang mga tirada kontra UP rookie Jad Sandoval, 10–12, 9–11, 11–2, 13–11, 6–11.
Bigong pagkubkob
Pagsapit ng hapon ng Nobyembre 18, ininda ni Marcelo ang kagat ng tigreng si Gerald Aguilar upang simulan ang kanilang ikatlong sagupaan, 6–11, 11–4, 4–11, 6–11.
Nasindak naman si Noriega sa bangis na ipinamalas ni national team standout Eljay Tormis, 5–11, 10–12, 7–11.
Nangatal naman ang tambalang Villacruel at Zambrano sa mga tigreng sina Ruiz Marcelino at Al J Sanchez, 9–11, 11–9, 12–14, 6–11.
Sa pagsisimula ng kanilang huling salpukan, nangatog si Noriega nang humagibis ang agilang si Mahendra Cabrido, 10–12, 6–11, 1–11.
Naglipana naman ang mga pinakawalang tirada ni Green Paddler Dave Saluna kontra Loyola-based player CJ Yamson, 7–11, 3–11, 11–7, 4–11.
Bigo ring bulabugin ng tambalang Villacruel at Zambrano ang hawla ng Katipunan duo na sina Drozle Fresco at Wrency Abad, 5–11, 4–11, 4–11.
Pagsilay ng pag-asa
Determinadong ituwid ang kanilang kapalaran, ginasgasan ni Marcelo ang kalasag ni Red Warrior Francisco Origenes sa pagsisimula ng huling araw ng elimination round, 12–10, 7–11, 11–3, 11–9.
Sinalakay din ni Torres ang kuta ni UE player Vincent Origenes, 11–5, 11–5, 11–7.
Kinapos naman ang tangkang paglusob ng tambalang Noriega at Zambrano kontra Recto-based duo na sina John Galang at Miguel Panelo, 11–8, 7–11, 14–16, 4–11.
Tinuldukan naman ni Reg ang salpukan nang durugin si Recto-based paddler Louie Alcantara, 11–6, 11–4, 11–5.
Paghantong sa huling banggaan, binasag ni Dino ang suwag ni Tamaraw Peter Cubio, 11–6, 8–11, 11–8, 7–11, 11–7.
Umiwas din si Torres sa patibong ni FEU player Dunstan Piala, 6–11, 11–6, 11–4, 9–11, 11–6.
Nagalusan naman ang tambalang Noriega at Saluna sa pag-araro ng Morayta-based duo na sina Henson Riego at Aaron Sacay, 8–11, 9–11, 11–7, 5–11.
Winakasan naman ni Reg ang sagupaan nang dominahin si Morayta-based paddler Christian Golez, 11–8, 11–6, 11–5.
Pilit na pagbangon
Pagbabahagi ni Zambrano sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na ang apat na magkakasunod na laro ng Green Paddlers nitong Nobyembre 18 ang naging dahilan ng kanilang pagkakapos na makasikwat ng panalo.
“Medyo fatigue na kami. Kasi tulad nito, paos na ako. [Kinulang din kami sa] stamina and sa motivation. Kailangan [ding] matulog nang maaga kasi over fatigue na kami. Tapos, manonood kami ng games namin [para makita] kung saan kami nagkulang,” wika ni Zambrano sa APP.
Sukbit ang 5-7 panalo-talo baraha, susubukang tumungtong ng Taft-based squad tungong Final Four sa isang playoff match kontra FEU Men Tamaraw Paddlers sa parehong lugar ngayong araw, Nobyembre 20.
