Lady Archers, nabiktima sa pagragasa ng Lady Tamaraws

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

PUMUROL ang mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra sa mabalasik na Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 62–64, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum nitong Linggo, Nobyembre 16.

Kinarga ni DLSU rookie Kyla Go ang opensa ng Lady Archers matapos magtala ng 32 puntos, pitong rebound, at apat na steal.

Bumida naman bilang Player of the Game si Lady Tamaraw Yvette Villanueva na nagsukbit ng 18 puntos at siyam na rebound.

Mainit na panimula ang sumambulat sa Berde at Puting koponan bunsod ng reverse layup ni Taft mainstay Tricia Mendoza, 9–4, ngunit biglang bumulusok ang 20-4 run ng Lady Tamaraws na pinangunahan ni Villanueva upang masikwat ang unang yugto, 13–24.

Pagpatak ng ikalawang kuwarter, namuhunan sa free-throw line si Go, ngunit nagpatuloy ang pananalasa sa arko ng Morayta mainstays na sina Shemaiah Abatayo at Erica Lopez na lalong nagpamaga sa kalamangan, 32–48.

Nagliyab ang diwa ng Taft-based squad sa pagbubukas ng ikatlong yugto matapos magpamalas ng 11–0 run upang tapyasin ang bentaha, 43–48, ngunit agad itong pinutol ng mid-range jumper ni FEU guard Maxene Dela Torre na sinegundahan pa ng pag-asinta ni Villanueva ng tres, 43–53, hanggang sa sumagot din mula sa arko si Go upang tuldukan ang naturang kuwarter, 52–57.

Tinangka pang sumalisi ng DLSU sa bisa ng tres ni Mendoza, 59–62, ngunit nanaig ang depensa ng FEU sa mga nalalabing segundo ng tunggalian upang apulahin ang dilaab ng Taft-based squad, 62–64.

Tangan ang 4–7 panalo-talo baraha, sisikapin ng Lady Archers na pabagsakin ang matayog na paglipad ng Adamson University Lady Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-11:30 n.u. bukas, Nobyembre 19.

Mga Iskor:

DLSU (62) – Go 32, Camba 11, Mendoza 5, Anastacio 5, A. Dizon 4, Delos Reyes 3, Dela Paz 2, Sunga 0, Lubrico 0, S. Dizon 0, Villarin 0.

FEU (64) – Villanueva 18, Salvani 12, Pasilang 11, Abatayo 6, Dela Torre 6, Espanol 4, Ong 4, Lopez 3, Manguiat 0, Nagma 0.

Quarterscores: 24–13, 48–32, 57–52, 64–62.