
YUMUKOD ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters kontra 4-peat champions Far Eastern University (FEU) Women’s Football Team, 0–2, sa pagwawakas ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium nitong Nobyembre 15.
Pinangunahan ni Golden Boot Awardee Judie Arevalo ang pagbugso ng opensa ng Tamaraws nang itarak niya ang unang goal sa ika-15 minuto ng sagupaan, 0–1.
Tinangkang kumumpas ng ritmo nina Taft mainstay Chenny Dañoso at Elisha Lubiano, ngunit nabigo ang kanilang mga tirada sa maagap na pagsalag ni Morayta-based keeper Jessa Lehayan.
Sumilay ang pag-asa para sa DLSU nang mahandugan si rookie Jodi Banzon ng free kick sa ika-54 na minuto ng tunggalian, subalit tumindig si Lehayan upang isarado ang goal.
Hinadlangan naman ni Taft-based keeper Jessica Pido ang tangkang pagpapalawig ng bentaha ng FEU sa ika-61 minuto.
Nagpursigi ang Lady Booters na itabla ang laban pagsapit ng karagdagang oras, subalit nabigo si Taft-based player Lubiano na hadlangan ang pag-usad ng FEU.
Pagdako ng ikaapat na minuto ng second half stoppage time, umukit ng corner goal si midfielder Regine Rebosura na tuluyang nagkandado ng ikaapat na sunod na kampeonato ng FEU sa torneo, 0–2.
Kinapos man sa ikaapat na pagkakataon ang Lady Booters, inuwi nila tungong Taft ang pilak na medalya, at mga parangal na Best Defender para kay Lubiano at Rookie of the Year para kay Banzon.
