DLSU Lady Booters, naduhagi sa sungay ng FEU Women’s Football Team

Kuha ni Chiara Caballes

YUMUKOD ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters kontra defending champions Far Eastern University (FEU) Women’s Football Team, 1–2, sa kanilang muling paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Field kagabi, Nobyembre 5. 

Sumabay sa paglalim ng gabi ang pag-init ng palitan ng mga tirada mula sa dalawang luntiang kampo sa pagsisimula ng tapatan. 

Agad na nangibabaw ang Morayta-based squad nang pumuslit si FEU defender Marienelle Cristobal sa depensa ng mga taga-Taft at magtala ng unang goal sa ikapitong minuto ng sagupaan, 0–1.

Lalo pang umigting ang kalamangan ng Morayta mainstays matapos samantalahin ni Cristobal ang nanginginig na depensa ng Lady Booters sa bisa ng isang long kick sa ika-28 minuto ng bakbakan, 0–2.

Nahanap naman ng Berde at Puting koponan ang kanilang ritmo sa pagsisimula ng ikalawang yugto at sinubok ang puwersa ng defending champions sa pangunguna ni DLSU midfielder Maria Layacan.

Sa pagsapit ng ika-87 minuto, tinangka pang isahan ni Taft mainstay Chenny Dañoso ang Tamaraws, ngunit agad na naagaw ng FEU ang bola matapos magmintis ang pinakawalang tirada. 

Naaninag pa ng Taft-based squad ang pag-asa sa huling apat na minuto ng tapatan nang makapagtala ng unang goal si Team Captain Stephanie Goñe sa follow-up shot mula sa save ni FEU goalkeeper Jessa Lehayan, subalit hindi na nagpatinag ang mga taga-Morayta at mahigpit na binantayan ang depensa hanggang sa huling segundo ng laban, 1–2.

Sukbit ang 4-3 panalo-talo kartada, susubukang paamuhin ng Lady Booters ang mababangis na University of Santo Tomas Lady Booters sa parehong lunan sa ika-6:30 n.g. sa Sabado, Nobyembre 8.