
“I love you with all my heart.”
Tanyag ang puso bilang simbolo ng pag-ibig, ngunit malayo sa dibdib ang tunay na nangangasiwa sa puwersa ng damdaming ito. Sa katotohanan, sa utak dumadaloy ang mga damdaming inaakalang gawa ng puso tulad ng kilig, saya, at pananabik na makasama ang minamahal. Paglilinaw ng mga eksperto, mas mainam pang sabihing “I love you with all my hypothalamus” kaysa “I love you with all my heart.” Gayunpaman, sa kabila ng mabubulaklak na paliwanag na ito, nananatiling mahiwagang kahon pa rin ang pag-ibig.
Bilang pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month, inilunsad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang PELIKULA NG BAYAN: SINE50 nitong Setyembre 17 hanggang 23. Ibinalik sa mga sinehan ang anim na kinikilalang mga pelikula, kabilang ang Gusto Kita With All My Hypothalamus (2018), Big Night (2021), Miss Bulalacao (2015), Dagitab (2014), Patay na si Hesus (2016), at Apocalypse Child (2015).
Sa ilalim ng direksiyon ni Dwein Baltazar, tinalunton ng Gusto Kita With All My Hypothalamus ang iba’t ibang misteryong nakakapit sa puwersa ng pagmamahal. Masusulyapan sa pelikula ang kuwento ng mga lalaking nagpupumiglas sa pagkawalang-taros dahil sa pag-ibig.
Ulilang damdamin
Simula pa lamang ng pelikula, nabalot ng init ang malamig na sinehan nang tahakin ang makitid na lansangan ng Quiapo, Maynila. Sa ganitong pagpipinta ng eksena, nasusulyapan ng manonood ang magulo at maingay na paysahe ng lungsod.
Sinundan ng pelikula sina Caloy, Lando, Obeng, at Alex na desperadong naghahanap at naghihintay para sa pagpawi ng kanilang pagnanasa. Mahusay na ginanapan ni Nicco Manalo ang karakter ni Caloy, isang tahimik at mahiyaing empleyado sa ukayan, at ni Soliman Cruz bilang si Lando na isang may-ari ng machine repair shop. Ginampanan naman nina Anthony Falcon at Dylan Ray Talon sina Obeng, isang mandurukot, at Alex, isang estudyante. Walang ugnayan ang apat na karakter na ito maliban sa kanilang iisang lungkot na dahan-dahang lumalamon sa kanilang kalooban. Subalit hindi nagtagal ang damdaming ito dahil sa paglitaw ng presensiya ng isang babae.
Kamangha-mangha ang pagganap ni Iana Bernardez sa bidang karakter na si Aileen. Tumatagos ang kaniyang dating sa paglalahad ng imahen ng isang babaeng kakaiba. Sa hindi mabatid na dahilan, nagawang aliwin ni Aileen ang apat na lalaki at tila nahahati ang kaniyang katawan sa bawat pagtalon sa kanila.
Umusbong ang pagkahumaling ng apat na lalaki kay Aileen bunga ng kakulangan sa mga aspekto ng kanilang buhay—lalo na sa pagmamahal. Hinangad ni Caloy ang panghabambuhay na katambal at unti-unti itong tinupad ni Aileen. Nang maghanap ng seksuwal na kasiyahan si Lando, kumatok sa kaniyang pinto si Aileen. Ninais namang maramdaman ni Obeng ang haplos ng ibang babae at huminto si Aileen para sa kaniya. Nag-asam si Alex ng makauunawa sa kaniyang mga problema at naniwala si Aileen nang higit pa sa kaniyang inaasahan. Nagliyab ang kanilang pananabik sa iisang babaeng naging adhikain at takas mula sa kadena ng realidad.
Pagkilatis sa pagnanasa
Hindi maisisilang ang pagnanasa nang walang lunos. Hindi mamumulaklak ang pag-ibig nang walang misteryo. Dahil dito, naging simbolo si Aileen ng pag-ibig. Libutin man ang utak, hindi madaling maintindihan ang pagmamahal. Kahit pa gamitin ang teorya, agham, o pananaliksik, hindi lubos na matatarok ang damdamin. Tulad ng puso, mistulang hindi maunawaan ang palaisipan ni Aileen.
Mayroon siyang tinatagong hiwagang hindi madakma ng manonood at ng mga lalaki. Sa kaniyang paglalakad pa lamang sa tawiran, dama na ang kaniyang kaakit-akit na awra. Tila hindi sapat ang dalawampu’t apat na oras kapag kasama si Aileen.
Ngunit sa labas ng kaniyang mga relasyon sa apat na lalaki, isa siyang inuming malabnaw—tinitimpla lamang ang sarili ayon sa kanilang panlasa. Nagsilbi siyang sangkap na pumuno sa mga ubos-tasang papawi sa pagkauhaw nina Caloy, Lando, Obeng, at Alex.
Dahil sa misteryong ito, nabigyan ng tutok ang mga ugnayang nagbibigay-hiwaga sa pag-ibig. Inilalarawan nitong dumarating ang pag-ibig sa iba’t ibang anyo—pamilyar man o hindi.
Sentro ng uniberso
May inaasam at hinahanap-hanap ang bawat isa pagdating sa pag-ibig. Minsan tinatanggap natin ang pagmamahal na labis pa sa hangarin. Kadalasan, nakokontento tayo sa pira-pirasong pagpapamalas, tulad nina Caloy, Lando, Obeng, at Alex. Hinangad nila ang hindi nila makuha—ang hindi matukoy-tukoy na nawawalang bahagi ng kanilang puso.
Hinihimok ng pelikulang silipin ang hiwagang kaakibat ng pag-ibig. Gaya ng karakter ni Aileen, hindi tunay na mababatid ang puwersa ng damdamin. Mayroong mga paraan upang tangkaing maintindihan ang puso—gamit ang teorya, agham, at pananaliksik sa panloob na gawain ng ating utak. Subalit hindi ito sapat, dala ng iba’t ibang mga sorpresa ng misteryo.
Pahintulutang umiral ang damdamin. Hayaang tumibok ang puso hangga’t mayroong lunos, mayroong pagnanais; at sa bawat pagnanais, muling sisibol ang pag-ibig.
