
NILUSOB ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang kuta ng University of the East (UE) Lady Warriors, 82–72, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kagabi, Oktubre 29.
Nanguna si Player of the Game Aiesha Dizon sa pagdaluhong ng Lady Archers matapos hiranging Player of the Game tangan ang 15 puntos, pitong rebound, at dalawang assist.
Bumida naman si rookie Sybil Oñate sa pagratsada ng Lady Warriors matapos magrehistro ng 24 na puntos, apat na rebound, at isang assist.
Maagang sinilaban ni Lady Warrior Kristine Dalguntas ang diwa ng mga taga-Silangan sa pagpapakawala ng tirada mula sa paint, 0–2, subalit tumugon kalaunan si DLSU small forward Steph Villapando na umukit ng puntos mula sa pagyabag sa arko, 22–12.
Muling nahanap ng Recto-based squad ang kanilang ritmo sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng bakbakan buhat ng two-point jump at free-throw shot ni Mariko Gullim, 22–15, ngunit nanatiling pabor ang talaan sa Berde at Puting koponan matapos magpakitang-gilas ng marka ni Kyla Sunga, 40–31.
Nanatili ang pag-ayon ng tadhana sa dako ng Taft sa kabila ng pagtatangka ni Dalguntas na itabla ang salpukan bitbit ang tatlong puntos, 53–45, na sinagot ng magkatukayong Sunga at Kyla Go ng mga puntos sa bisa ng layup, 63–50.
Muling umalingawngaw ang presensiya ni Oñate para sa lumalamlam na hukbo ng Silangan nang magpakawala ng dalawang tres, 82–69, habang inakay naman nina Princess Villarin at Eli Delos Reyes ang pagpapanatili ng kalamangan ng Taft mainstays upang tuluyang selyuhan ang tagumpay, 82–72.
Bitbit ang 4-5 panalo-talo baraha, kahaharapin ng Lady Archers ang defending champions National University Lady Bulldogs sa parehong lunan sa ika-12:00 n.h. sa Linggo, Nobyembre 2.
Mga Iskor:
DLSU (82) – Go 23, A. Dizon 15, Delos Reyes 7, Mendoza 7, Anastacio 6, Sunga 6, Lubrico 5, S. Dizon 4, Villarin 3, Camba 2, Catalan 2, Dela Paz 2.
UE (72) – Onate 24, Ronquillo 18, Gullim 8, Buscar 6, Yanez 6, Vacalares 5, Dalguntas 5.
Quarterscores: 22–12, 40–31, 63–50, 82–72.
