
NABULAGA ang De La Salle University (DLSU) Lady Booters sa pagsalakay ng Ateneo de Manila University Women’s Football Team, 0–1, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Women’s Football Tournament sa University of the Philippines Diliman Football Stadium kahapon, Oktubre 25.
Maagang naglatag ng depensa ang Ateneo matapos gipitin ni Loyola-based goalkeeper Chelssy Casals ang tangkang pagpuntos ni Lady Booter Maria Layacan sa ikaanim na minuto ng sagupaan.
Pinadaplis ni Jada Bicierro ang bola patungong goal sa ika-26 na minuto na siyang sinupalpal ni DLSU goalkeeper Jessica Pido, ngunit naipuslit pa rin ito ng Loyola Heights duo na sina Bicierro at Celina Salazar sa ika-27 minuto, 0–1.
Sinikap nina Taft-based booters Jodi Banzon at Layacan na magrehistro ng marka pagdako ng ikalawang bahagi ng salpukan, subalit nanatiling matatag ang Loyola mainstays at sinalag pati ang mga tirada nina Bicierro at Chenny Dañoso.
Sa karagdagang apat na minuto, rumagasa si Lady Booter Mikaela Villacin, ngunit matikas na pumoste si Ateneo goalkeeper Casals upang pigilan ang tangkang pagtabla ng DLSU sa talaan, 0–1.
Tangan ang 4-2 panalo-talo kartada, sisikaping bumangon ng Taft mainstays kontra defending champions Far Eastern University Women’s Football Team sa parehong pook sa ika-6:30 n.g. sa Nobyembre 5.
