Lady Archers, ginilitan ng Growling Tigresses

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

NILAPA ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers ng mabalasik na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 50–94, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kagabi, Oktubre 25.

Nanguna sa pagtarak ng mga puntos ng Lady Archers si Kyla Go matapos kumamada ng 17 puntos, apat na rebound, at isang assist.

Pinangunahan naman ni Player of the Game Oma Onianwa ang Golden Tigresses matapos magrehistro ng 12 puntos, 14 na rebound, apat na assist, at tatlong block.

Maagang nagpamalas ng talas ang UST sa unang yugto nang magpakawala ng magkasunod na tirada sina Onianwa at Brig Santos upang magtatag ng momentum at ikubli ang Lady Archers sa dilim, 15–28

Nanlumo ang opensa ng DLSU pagratsada ng ikalawang kuwarter nang mag-init ang mga galamay ni Growling Tigress Barby Dajao matapos isalansan ang dalawang three-pointer mula sa pasa ni Eka Soriano na naghandog ng 29 na puntos na pagkabaon sa Lady Archers pagpasok ng halftime, 24–53.

Pilit mang itinutok ng Lady Archers ang kanilang mga palaso sa ikatlong yugto, ngunit mas umalab pa ang España-based squad na nagpamalas ng 22–14 run mula sa kanilang matinding depensa at mga fastbreak play, na tuluyang dumurog sa Taft-based squad, 38–75.

Sinubukan pang isalba nina Lady Archer Go at Eli Delos Reyes ang natitirang pag-asa ng Lady Archers sa huling yugto sa bisa ng mid-range jumpers, subalit nanaig pa rin ang tikas ng Tigresses upang manatiling perpekto sa torneo, 50–94.

Bitbit ang 3-5 panalo-talo kartada, susubukang bumangon ng Lady Archers kontra University of the East Lady Red Warriors sa parehong lunan sa ika-7:00 n.g. sa Miyerkules, Oktubre 29.

Mga Iskor:

DLSU (50) – Go 17, Lubrico 8, Mendoza 7, Anastacio 4, Villarin 3, Dela Paz 3, Camba 2, Dizon 2, Araza 2.

UST (94) – Bron 15, Onianwa 12, Maglupay 11, Dajao 11, Santos 10, C. Danganan 8, Pastrana 7, Soriano 5, Sierba 4, McAlary 4, Pineda 3, K. Danganan 2, Relliquette 2.

Quarterscores: 15–28, 24–53, 38–75, 50–94.