
PINATAHIMIK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang pulutong ng University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 86–77, sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena kahapon, Oktubre 25.
Nangibabaw bilang Player of the Game si DLSU guard JC Macalalag na kumamada ng 16 na puntos, apat na rebound, tatlong assist, at isang steal.
Nanguna naman sa pagpupumiglas si UST center Collins Akowe bitbit ang double-double output na 20 puntos at 14 na rebound.
Maagang nanalasa ang mga tirada ni Macalalag sa labas na arko sa pagbubukas ng unang kuwarter, 13–9, na sinegundahan pa ni rookie point guard Guillian Quines upang angkinin ang kalamangan mula sa magkasunod na tres at fastbreak opportunity, 24–17.
Nagpaulan ng dos ang mga tigre sa pangunguna ng asinta ni floor general Forthsky Padrigao sa mga butas na depensa ng DLSU, 26–19, subalit nanaig ang presensiya ng luntiang koponan sa ilalim upang kontrahin ang paglobo ng kalamangan sa kabila ng ikinamadang mga tres nina Padrigao at Ice Danting sa pagtunog ng buzzer, 52–36.
Sariwa mula halftime, agad na nag-init ang opensa ng España-based squad hango sa pagporsyento ni Padrigao sa kumpiyansa ni Nic Cabañero, 57–46, ngunit tumantos naman ng responde si DLSU rookie Lebron Daep sa midrange, 61–48, at tuluyang sinara ni Doy Dungo ang kuwarter pabor sa Green Archers mula sa and-1, 64–51.
Nagpatuloy ang pagpupumiglas ng Growling Tigers sa huling yugto kasabay ng pagnipis ng kalamangan bunsod ng koneksiyon ni Padrigao sa nag-iinit na mga palad ni Gelo Crisostomo, 76–70, subalit hindi ito naging sapat upang kontrahin ang dalawang crucial na tres mula kay EJ Gollena, 82–73, sa larong tinuldukan ni Macalalag mula sa linya, 86–77.
Bitbit ang 5–3 panalo-talo kartada, muling kahaharapin ng Berde at Puting koponan ang University of the East Red Warriors sa kanilang ikalawang banggaan sa SM Mall of Asia Arena sa ika-4:30 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 29.
Mga Iskor:
DLSU (86) – Macalalag 18, Cortez 12, Marasigan 10, Abadam 10, Daep 8, Gollena 8, Phillips 6, Dungo 5, Quines 5.
UST (77) – Akowe 20, Crisostomo 15, Llemit 13, Cabanero 12, Danting 5, Acido 4, Padrigao 3, Paranada 3, Calum 2.
Quarterscores: 24–17, 52–36, 64–51, 86–77.
