
IPINAGTIBAY sa ikaanim na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang rebisyon ng Omnibus Election Code (OEC) kaugnay ng Special Elections (SE) 2025, Oktubre 15. Layon nitong palawigin ang mga probisyon sa kandidatura, proseso ng halalan, at pagresolba sa mga bakanteng posisyong dulot ng mga botong absuwelto.
Pormal namang inihalal ng LA bilang cabinet secretary sina Zyrus Nabong ng Department of Financial Operations at Chloe Yao ng Department of Financial Assistance. Samantala, kinilala rin ang pagbitiw sa puwesto ni Mikayla Sanchez bilang batch president ng BLAZE2025.
Pinaigting na eleksiyon
Inilatag ni BLAZE2027 Naomi Conti sa sesyon ang mga rebisyong inilathala para sa OEC. Nakapaloob dito ang pangangailangan sa pagsasagawa ng isang inquiry session ng LA kasama ang COMELEC tungkol sa mga inaasahang pagbabago sa OEC bago ito ipanukala.
Ibinahagi naman ni Chief Legislator Ken Cayanan ang naging mungkahi ni USG Coordinator Zaldy Dueñas III sa Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) na ibaba ang threshold ng boto o alisin ang batayang 50% + 1 majority vote upang maging balido ang eleksiyon.
Kinontra ito ni USG Attorney General Sai Kabiling at idinahilang nitong nakaraang General Elections lamang naganap ang malawakang pananaig ng absuweltong boto mula sa mga Lasalyano. “Lowering the threshold makes us feel like we’re no longer the University Student Government because if we do not have a valid election, then we are not a valid government,” paninindigan niya.
Sinuportahan naman ito ni COMELEC Chairperson Sam Lambino at iginiit na maaaring makompromiso ang integridad ng konstitusyon at etika ng USG dahil pinahihintulutang manalo ang mga kandidatong bigong makakuha ng majority vote.
Bunsod nito, nananatili sa majority vote ang batayan ng pagiging balido ng mga boto sa eleksiyon sa Pamantasan.
Gayunpaman, naging malaking salik ang pag-abstain ng mga Lasalyano sa mga nabakanteng posisyon sa USG. Kaugnay nito, pansamantalang mananatili ang mga kasalukuyang nanunungkulan sa puwesto hanggang makapaghirang sa SE ng mga bagong papalit na opisyal.
Nilinaw rin sa sesyon ang depinisyon ng single-candidate race sa isang posisyon sa eleksiyon. Nangangailangang makaabot sa 50% + 1 boto at mas mataas sa bilang ng mga absuweltong boto ang kandidatong tumatakbo.
Pinalawak din ng rebisyon ang saklaw ng USG sa mga opisyal ng Laguna Campus Student Government (LCSG). Binigyang-pansin dito ang paghihiwalay sa posisyon ng college representatives at college legislators na kinakailangang iboto ng mga estudyante ng kani-kanilang kolehiyo. Tinukoy rin sa sesyon ang pormal na paggamit ng terminolohiyang frosh sa halip na freshmen elections.
Iniangkla ang mga naturang pagbabago sa naganap na inquiry session bago ang regular na sesyon ng LA, COMELEC, at USG Office of the President. Inaprubahan ang rebisyon sa OEC sa nagkakaisang botong 8 for, 0 against, at 0 abstain.
Dagdag liderato sa Gabinete
Itinuring na priyoridad ni Nabong para sa cabinet secretary ng Department of Financial Operation ang kahalagahan ng tiwala bilang pundasyon ng pinansiyal na operasyon ng USG. “By keeping operations strong, ensuring transparency, and building accountability. . . We are laying the ground for a reliable [and] efficient financial action in the future,” saad niya.
Kaugnay nito, tinukoy ni Nabong ang kaniyang mga plano sa pagkakaroon ng mga transparency report at pagsasaayos ng treasurer’s manual upang mapabilis ang operasyon ng departamento. Gayundin, isinusulong niya ang pagkakaroon ng isang chanel para sa komunikasyon ng SLIFE at Finance and Accounting Office upang mapabuti ang sistemang pinansiyal ng USG.
Itinaguyod naman ni Yao sa posisyong cabinet secretary ng Department of Financial Assistance ang pagkakaroon ng sentralisadong sistema at mga inisyatibong nakasentro sa pangangailangan ng mga Lasalyano.
Ninanais ni Yao na maglunsad ng mga bagong tulong-pinansiyal para sa mga estudyante tulad ng Multi-Dependent Family Support Grant para sa mga pamilya ng mga Lasalyanong may maraming sinustentuhang anak, Provincial & Out-of-Metro Student Assistance Grant para sa mga estudyanteng nagmula sa malalayong lugar sa bansa, at Animo Internship Fund para sa mga Lasalyanong natanggap sa mga hindi binabayarang internship program.
Itinalaga ng LA sina Nabong at Yao bilang mga cabinet secretary ng kanilang mga naturang departamento sa nagkakaisang botong 8-0-0.
Samantala, isinapormal din ng LA ang pagbibitiw sa puwesto ni Mikayla Sanchez bilang BLAZE2025 Batch President sa parehong botong 8-0-0. Pansamantala namang ipinagpaliban ang pagsasabatas sa USG operational fund upang makapaglaan ng oras sa konsultasyon sa pagitan ng Office of the Executive Treasurer at LCSG.