
PINAWALANG-BISA ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang depensa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 88–59, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum kagabi, Oktubre 19.
Namayagpag ang puwersa ni Lady Archer Paulina Anastacio bilang Player of the Game matapos kumamada ng 18 puntos at tatlong rebound.
Umagapay rin sa opensa ng luntiang hanay sina Tricia Mendoza at Mica Camba nang makapagtala ng pinagsamang 26 na puntos.
Nagsilbing alas naman ng Fighting Maroons sina Camille Nolasco, Achrissa Maw, at Louna Ozar tangan ang tig-10 puntos.
Maagang kumayod ang Taft-based squad sa pagbubukas ng salpukan mula sa playmaking pass ni Mendoza at jump shot ni Eli Delos Reyes, 8–9, na tinapatan ni Fighting Maroon Alex Mendoza ng isang steal at jumper, 14–17, ngunit tuluyang inangkin ni Lady Archer Kyla Sunga ang huling 45 segundo ng unang kuwarter matapos bumuwelta ng dos, 18–19.
Sinunggaban ni Maw ang momentum para sa Diliman mainstays sa pagratsada ng ikalawang yugto sa bisa ng pamamayani sa ilalim ng ring, 24–33, subalit nag-alab si T. Mendoza upang itabla ang talaan matapos magpakawala ng isang mid-range jump shot, 35–all, na agad namang binira ni Maw ng malinis na layup, 38–39.
Muli namang isinang-ayon nina Xyla Lubrico at Anastacio ang tadhana para sa Lady Archers sa pagpatak ng ikatlong yugto matapos magpalasap ng magkasunod na three-point shot, 47–33, na siyang ginatungan ni Camba ng isa pang tirada sa labas ng arko, 66–50.
Ipinagpatuloy ng Taft mainstays ang pagpihit sa kanilang kapalaran nang magpakitang-gilas si Anastacio ng isang jump shot at bumida sa free-throw line sanhi ng personal foul ni Fighting Maroon Rhea Solitario, 72–50, hanggang sa tuluyang namayagpag ang DLSU nang isalaksak ni Lady Archer Edel Araza ang isang foul shot, 88–59.
Tangan ang 2-4 panalo-talo baraha, susubukan namang buwagin ng Taft-based squad ang hanay ng Adamson University Lady Falcons sa SM Mall of Asia Arena sa ika-10:00 n.u. sa Miyerkules, Oktubre 22.
Mga Iskor:
DLSU (88) – Anastacio 18, Mendoza 13, Camba 13, Go 9, Lubrico 7, Villarin 6, Dizon A. 6, Delos Reyes 5, Dela Paz 4, Araza 3, Sunga 2, Dizon S. 2.
UP (59) – Nolasco 10, Maw 10, Ozar 10, Solitario 6, Cunanan 6, Vingno 4, Mejasco 4, Mendoza 4, Barba 3, Tapawan 2.
Quarterscores: 18–19, 38–39, 66–50, 88–59.