Huling ukit ng buhay

Dibuho ni Agatha Nicole Ortega

Bagaman walang tinig, may ibinubulong ang bawat pangalang nakaukit sa marmol. Tahimik nitong isinasalaysay ang bigat ng pamamaalam sa mga natapos na kuwento. Habang umuusad ang panahon sa ibabaw ng lupa, naiiwan ang mga lapida bilang gabay sa mga nangungulila. Sa harap ng huling hantungan, sumasagisag ang lapida bilang paalala sa buhay na minsang lumipas.

Nagsisilbing puhunan sa bawat letrang makikita sa lapida ang mga kamay ng isang alagad ng sining. Hindi sila mga pintor o manlililok, ngunit sa bawat ukit, hinuhulma nila ang lungkot ng paggunita. Habang abala ang karamihan sa hinaharap, patuloy naman nilang binibigyang-buhay ang mga alaalang babalikan na lamang. 

Hanggang sa huling titik

Sa tahimik na sementeryo, madalas matatagpuang nag-uukit ng marmol si Nilmar Anasarias, isang 27 taong gulang. Inilahad niya sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na mahigit isang taon na siyang gumagawa ng lapida. Gayunpaman, marami pa siyang kasanayan at disenyong nais subukan. Isiniwalat niyang hindi ito ang hanapbuhay na pinangarap niya, ngunit ito ang trabahong tumugon sa kaniyang pangangailangan. “Sa hirap ng buhay, ito lang ang alam kong diskarte,” pagsasaad niya. Taliwas man ito sa kaniyang mga plano, natutuhan niyang may dangal sa paglikha ng huling alaala para sa iba.

Ibinahagi ni Anasarias na malaki na ang ipinagbago sa proseso ng paggawa ng lapida. Mano-mano ang lahat noon—mula sa pagguhit ng lapis, pag-ukit gamit ang pait, at walang tigil na pagpukpok ng martilyo. Subalit, sa pag-usbong ng teknolohiya, ginagamit na ngayon ang mga sticker bilang gabay at mga kemikal upang mapalabas ang disenyo. Aniya, ginuguhit muna niya ang disenyo sa sticker bago ito gupitin at buhusan ng kemikal na siyang mag-uukit ng pangalan, petsa, at mga salita ng pamamaalam.

Kahit pa masinsin ang bawat hakbang, hindi kinakailangan ng diploma sa paggawa ng lapida. Ayon kay Anasarias, sapat na ang tiyaga, karanasan, at araw-araw na pagmamasid sa diskarte ng mga mas nakatatanda sa larangan. Sa bawat araw ng pagkayod, hinahasa niya nang sabay ang galaw ng kamay at tibay ng loob. May mga araw na mabilis ang proseso, ngunit kapag may maling detalye, kailangan itong ulitin kaakibat ang dagdag sa oras at kaltas sa bayad.

Sa kabila ng teknikal na hamon, emosyon ang pinakamahirap timbangin. Bago pa man magsimula, bumibigat na ang kaniyang pakiramdam mula sa takot na hindi matapos sa oras. Nadaragdagan pa ito ng pangambang hindi sapat ang kaniyang kakayahan upang makamit ang inaasahang kalidad. Sa bawat lapidang hinuhubog niya, nakapaloob din sa obra ang lungkot ng mga naulilang pamilya at alaala ng mga namaalam.

Mga kamay na nakikiramay

Tahimik ang espasyong ginagalawan ni Anasarias, ngunit dama rito ang bigat ng damdamin. Wala siyang sinasabi o yakap na ibinibigay—tanging ang kaniyang sining ang nagsisilbing pakikiramay. Kuwento niya sa APP, may mga kapamilyang hindi pa buo ang loob sa pagpapagawa. “Yung iba, hindi mo makausap nang maayos,” ani ni Anasarias. Malayo ang kanilang tingin at mahina ang boses ngunit ramdam niya ang lungkot na pilit ikinukubli. 

May mga pagkakataong kahit gaano kaganda ang obra, hindi na ito nabibigyang-pansin—hindi dahil sa kakulangan, kundi dahil sa hapdi ng pagkawala. May mga sandaling napangingiti rin ang mga nangungulila kapag nasusulyapan ang lapida. Hindi man direktang nagdulot ng ginhawa ang kaniyang ginawa, sapat na sa kaniyang maging bahagi ng proseso ng kanilang paghilom.

Pinakatumatak naman sa kaniya ang isang mag-asawang magkasunod na nawalan ng anak. Aniya, hindi pa naililibing ang isa nang sumunod agad ang pangalawang anak. “Pinabura sa akin ‘yung una kong gawa [dahil] pinagsama ‘yung pangalan ng magkapatid sa isang lapida,” pagbabahagi niya. Sa pagitan ng bawat letra, mapait na dumudungaw ang sakit ng pagkawala. 

“Tinatago ko lang minsan ‘yung emosyon,” pagtatapat ni Anasarias. Pinipili niyang itakda ang hangganan ng kaniyang emosyon—hindi upang burahin ang lungkot, kundi upang patatagin ang sarili sa trabaho. Sa katahimikan ng kaniyang sining, naroon ang pag-unawa sa lungkot ng iba. 

Paggunita ng sining

Hindi lamang pangalan ang inuukit ni Anasarias, kundi mga paalala ng pagmamahal, pagkawala, at pag-asa. Wala mang propesyonal na uniporme o titulo, taglay ng bawat piraso ng marmol na kaniyang binubuo ang dangal ng kaniyang gawain.

Sa mundong laging sabik sa pagbuo ng bagong simula, pinipili niyang yakapin ang katapusan—hindi upang malugmok, bagkus, upang alalayan ang mga iniwan. Bagaman bato ang anyo ng kaniyang mga nililikha, lumalambot ito sa haplos ng bawat gunita. Sa pagitan ng mga inukit na titik, namamayani ang papel ng mga gumagawa ng lapida—mga taga-ukit ng damdaming pilit pinanghahawakan at kaagapay sa paghilom na inaasahan.