
PINIGTAL ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang gapos ng defending champions University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 72–69, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Oktubre 19.
Kinilala bilang Player of the Game si power forward Luis Pablo matapos maglimbag ng 14 na puntos, kaakibat ang anim na rebound at tig-isang steal, block, at assist upang pangunahan ang luntiang hanay.
Samantala, inakay naman nina veteran Harold Alarcon at Gerry Abadiano ang kampo ng Fighting Maroons nang maglista ng 13 at 12 puntos.
Pagpatak ng unang kuwarter, agad na nagpakilala si point guard Jacob Cortez nang tumarak ng puntos mula sa paint, 12–5, ngunit nagpaliyab ng 10-0 run ang mga taga-Diliman matapos mamuhunan sina Alarcon at Abadiano sa labas ng arko, 15–20, na siyang pinaigting pa ni Reyland Torres gamit ang buzzer-beater jump shot, 20–27.
Bumira ng limang puntos si Alarcon pagdako ng ikalawang kuwarter, 29–36, ngunit pinihit ni Cortez ang direksiyon ng sagupaan nang suklian niya ng free throw ang pinataw na technical foul sa bench ng UP, 41–all, hanggang sa wakasan ni Green Archer EJ Gollena ang naturang yugto sa bisa ng fast break, 46–41.
Nanlalatang sinalubong ng Berde at Puting koponan ang ikatlong yugto nang magpasiklab ng 6-0 run ang mga taga-Diliman, 46–47, subalit nagparamdam naman si Pablo nang umukit ng dalawang magkasunod na bank shot mula sa pagka-rebound, 53–49, hanggang sa sumalaksak ng tres si UP guard Terrence Fortea upang patahimikin ang naghuhumiyaw na madla ng Taft, 57–60.
Nagpatuloy ang pananalasa ni Fortea sa labas ng arko sa pagsisimula ng huling yugto, 57–63, na sinagot ng pagdagundong ni Taft mainstay Earl Abadam sa The Big Dome nang magpakawala rin ng pamatay-sunog na tres at muling tablahin ang talaan, 69–all, hanggang sa tuldukan ni DLSU Big Man Mike Phillips ang bakbakan sa free-throw line, 72–69.
Pagbabahagi ni Pablo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) hinggil sa natutuhan mula sa bakbakan kontra UP at mga paghahandang isasagawa tungong ikalawang yugto ng torneo, “We have to like—talk about [what] were our lapses during the whole first round. We have to improve on that. The coaches want us to get our offense from our defense, so I think we have to really work on that sa upcoming games and show that game by game this second round.”
Sukbit ang panalo kontra Diliman mainstays, isasara ng Green Archers ang unang yugto ng torneo sa ikaapat na puwesto tangan ang 4–3 panalo-talo baraha.
Mga Iskor:
DLSU (72) – Pablo 14, Cortez 12, Phillips 12, Gollena 12, Abadam 9, Marasigan 5, Dungo 4, Daep 2, Macalalag 1, Nwankwo 1.
UP (69) – Alarcon 13, Abadiano 12, Nnoruka 12, Fortea 12, Remogat 7, Stevens 4, Bayla 2, Torres 2, Belmonte 2, Alter 2, Palanca 1, Yniguez 0, Briones 0.
Quarterscores: 20–27, 46–41, 57–60, 72–69.