Sa ilang salita mo lamang, gagaling na ako

Dibuho ni Louisse Gonzales

Isang kakila-kilabot na panaghoy ang gumambala sa mapayapang purok. Sa kaibuturan ng lungsod, nakatayo ang isang tahanan sa masukal na lupaing dumadagdag sa misteryong bumabalot dito. Umalingawngaw ang boses ng isang dalagita mula sa loob, ngunit hindi nito natatakpan ang mga bulungan sa paligid na may bakas ng pangamba. Sa pagpasok sa nasabing tahanan, bumungad ang silid na puno ng mga rebulto at imahen ng poon habang nagpupumiglas ang dalagita mula sa mga brasong pumipigil sa kaniyang pagkalas. 

Sa gitna ng kaguluhan, nakaupo ang isang matanda at hawak niya ang langis at kandilang gamit sa ritwal. Isa siyang ehemplo ng karunungan sa mga hindi maipaliwanag na kaalaman sa sinumang makasasalamuha niya. Binibitawan niya ang mga litanyang banyaga, isang sumamong nagbibigay ginhawa sa mga nagpapagamot sa kaniya.

Misteryo ng paghilom

Isa si Jay Jumawan sa mga bumubuhay sa kultura ng panggagamot na nakaugat sa pananampalataya, isang albularyong binasbasan sa lungsod ng Cebu noong 1993. Nananahan siya ngayon sa lungsod ng Taguig at isinasagawa ang panggagamot laban sa mga kulam o barang. Gamit ang rosaryong gawa sa pandakaking itim at kombinasyon ng siyete vertudes, hinuhuli at pinapatay niya ang mga gumagambalang elemento gamit ang sariling mga daliri. 

Itinuturing ni Jumawan ang pagdarasal sa Diyos at sa mga banal na santo bilang sentro ng kaniyang ritwal. “Hihingi ka sa kanila ng pahintulot o hihingi ka muna ng kapatawaran bago ka manggamot,” paliwanag niya. Aniya, nanggagaling lamang sa Diyos ang kaniyang kapangyarihang magpagaling ng mga espiritwal na karamdaman.

Kahit bihasa na sa panggagamot, hindi pa rin mawawala ang pagsubok na pinagdadaanan ng isang albularyo. Mula sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), isinalaysay ni Jumawan ang isang engkuwentrong nagdulot sa kaniya ng pisikal na sakit bunsod ng makapangyarihang elementong kaniyang nilabanan. “First time kong sumikip ang dibdib ko sa babaeng ‘yon. Sampung demonyo ang nakalaban ko, hindi biro ‘yon,” dagdag pa niya. 

Maigting pa ring ipinagpapatuloy ni Jumawan ang panggagamot kahit marami siyang kinahaharap na pagsubok. Itinampok niya ang kabuluhan ng mga albularyo bilang takbuhan para sa mga karamdamang hindi maipaliwanag ng mga doktor. Gayunpaman, hindi nawala sa kaniya ang pagkilala sa mga kapuwa niyang manggagamot. Kaya sa kabila ng pagkokompara, inaabisuhan pa rin niya ang lahat na magpakonsulta muna sa mga doktor bago humingi ng serbisyo sa mga albularyo. Sa huli, iisa lang naman ang kanilang layunin—ang manggamot ng mga may sakit, sa kanilang pisikal at espiritwal na kalusugan.

Ginhawa ng nanampalataya

Nakapanayam din ng APP si Joker* na madalas lumapit kay Jumawan upang magpagamot. Ibinahagi niyang maaaring naging sanhi sa karamdaman niya noon ang punong Balete na malapit sa kanilang tahanan. Sa tulong ni Jumawan, ilang sintomas ang nawala kay Joker tulad ng sama ng pakiramdam at hirap sa pagtulog. 

Mula 2020 nang una siyang magpagamot, ipinahayag ni Joker ang kaniyang preperensiya sa mga albularyo. Ibinahagi niya ang mas maigting niyang pagtitiwala sa kanila dahil nagmula pa ito sa sinaunang kaalaman. Ipinaabot din ni Joker ang kaniyang mensahe para sa mga nagdududa sa mga albularyo, “Subukan nila para malaman nila kung totoo o hindi ang isang albularyo.” Para sa kaniya, sapat na ang kanilang pagtulong sa mga tao nang walang hinihiling na bayad upang patunayan ang kanilang karangalan.

Kahit nakaangkla sa misteryo, hindi maipagkakailang marami ang natutulungan ng kanilang paniniwala sa mga albularyo. Tulad ni Joker, karaniwan na lamang ang himala para sa mga nakaligtas mula sa mga hapding hindi maabot ng katwiran. Anumang pangangatwiran ang umiiral, hindi maitatangging pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang pagpapahalaga sa kasanayang ito.

Pananalig sa lilim ng pag-aalinlangan

Matatapos ang albularyo sa pagbigkas ng ritwal at unti-unti namang luluwag ang tensiyong bumabalot sa purok. Tahimik na ang paligid dahil sa pagtigil ng sigaw ng dalagita. Pagkatapos ng pansamantalang kapayapaan, makikiramdam siya. Lilinaw ang kaniyang isip at saka mapapansin ang pagkawala ng sakit na matagal na niyang iniinda. Anuman ang naging sanhi nito, balewala na para sa kaniyang nakalaya sa karamdaman. 

Nananalaytay sa dugo ng mga Pilipino ang ugnayan sa mga sinaunang paniniwalang dahan-dahang kinalilimutan sa paglipas ng panahon. Hindi titigil sa panggagamot ang mga albularyo sa kabila ng mga hindi naniniwala dahil sa layuning tangan nila. Magpapatuloy ring manalig ang mga tao hangga’t nakapagbibigay ito ng ginhawa sa kanilang mga karamdaman. Sa huli, hindi alintana ang mga pagdududa, sapagkat hindi kailanman maipaliliwanag ng agham ang paninindigan ng mga Pilipino sa kulturang kanilang kinagisnan. 

*hindi tunay na pangalan