Green Woodpushers, ipinawalang-bisa ang pananalasa ng mga tigre at agila

Retrato mula UAAP Season 88 Media Team

IBINULSA ng De La Salle University (DLSU) Green Woodpushers ang magkasunod na panalo kontra University of Santo Tomas (UST) Men’s Chess Team, 3–1, at Ateneo de Manila University Men’s Chess Team, 2.5–1.5, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Men’s Chess Tournament sa Adamson University Gym nitong Oktubre 12.

Pagpapatahimik sa ugong

Maagang ginising ni Green Woodpusher Angele Biete ang diwa ng manlalaro ng Sampaloc na si Christian Daluz matapos magtatag ng kontroladong tira sa kalagitnaan, na agarang tinabla ng defensive setup ni Daluz. Kumaripas ang luntiang manlalaro ng mahusay na queen control, rook, at knight push attack upang tuluyang mapatumba sa checkmate ang tigre, 1–0.

Sa kabilang dako, napanatili naman ni Green Woodpusher Cyril Telesforo ang bentahe nang maglatag siya ng Scotch Game kontra manlalaro ng España na si Chester Reyes upang mapaigting ang kaniyang mga piyesa sa gitna at asintahin ang tigre gamit ang queen-and-rook checkmate, 2–0.

Bitbit ang tensyon, maagang binuksan ni UST player Lee Palma ang sagupaan nang magpasiklab siya ng pawn capture, na dinepensahan ni Green Woodpusher Kent Pahamtang sa bisa ng ilang exchange attack at trade of queens, ngunit nauwi sa tabla ang palitan ng mga piyesa, 2.5–0.5.

Sumabak si Lance Valencia sa huling board kontra sa taga-España na si Mark Reyes gamit ang Bishop Opening na agad sinalubong ng matinding opensa sa ika-11 tira na nag-udyok kay Valencia na magpakawala ng Queen Control, bago tuluyang malusaw ang klarong abante sa gitna ng pawn-and-rook exchange hanggang magtapos ang laban sa tabla, 3–1.

Pagpapasuko sa mga agila

Maagang nagpakawala ng opensa si Loyola-based player Khalil Kis-ing matapos itulak ang pawn sa c4 upang igupo ang tangkang pag-ungos ni Green Woodpusher Pahamtang na siya namang bumuwelta sa kingside sa g6 at bg7 na nagresulta sa tablang iskor, 0.5–all.

Tangan ang pawn at bishop, dinaluhong ni Taft mainstay Telesforo ang kingside ni Ritchie Alceba, ngunit hindi ito tumalab matapos magpamalas sa c5 ang Ateneo player na dinepensahan naman ng taga-Taft gamit ang Queen Control, 1.5–0.5

Binuksan ng taga-Loyola Heights na si Caleb Abis ang puksaan sa bisa ng knight development kontra sa pambato ng Taft na si Troy Ventura, at sinalag ng castle defense sa kalagitnaan ng alitan na nagpabagsak sa paghahari ng Taft mainstay, 1.5–all.

Umabot ng apat na oras ang sagupaan sa kabilang board matapos magsalitan ng mga piyesa sa Nxd5, Nxd6, at Qxd5 sina Green Woodpusher Biete at Blue Eagle Eorvyn Jullado. Subalit, ibinalandra ni Biete ang castle defense sa queenside at agresibong pawn push attack na nagbunga ng kaniyang pangingibabaw kontra sa agila, 2.5–1.5.

Sa panayam ni Biete sa Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi niya ang kaniyang estratehiya upang manalo, “Ginamit ko talaga ‘yung oras ko at nag-stick to the basics para tuluyang magkamali ang kalaban.”

Bitbit ang 11 match points, paiigtingin ng Green Woodpushers ang kanilang kampanya kontra University of the Philippines Men’s Chess Team sa ika-2:00 n.h. sa parehong lunan sa Sabado, Oktubre 18.