
KINAPOS ang arsenal ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa mabalasik na National University (NU) Bulldogs, 78–82, sa kanilang unang banggaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion kahapon, Oktubre 12.
Pinangunahan ni Kapitan Mike Phillips at point guard Jacob Cortez ang naging kampanya ng Green Archers matapos kumana ng pinagsamang 30 puntos.
Samantala, kinilala bilang Player of the Game si NU Bulldog PJ Palacielo matapos pumukol ng 16 na puntos, dalawang rebound, at dalawang assist.
Maagang kinarga ni Phillips ang opensa ng DLSU matapos ikamada ang dalawang magkasunod na tira mula sa loob ng arko, 4–3, na siyang ipinagpatuloy ni DLSU shooting guard Earl Abadam nang pakawalan ang isang layup shot, 16–12, bago tuluyang ibulsa ni EJ Gollena ang isang free throw upang mapanatili ang kanilang kalamangan, 23–21.
Umigting ang salpukan ng dalawang koponan pagpasok ng ikalawang yugto nang magpalitan ng two-point jumper sina Luis Pablo at Paul Francisco, 27–25, na agad namang ineksenahan ni Bulldog Mark Parks sa bisa ng isang dunk kill, 34–40, bago tuluyang umukit ng 6–0 run ang Taft mainstays sa pangunguna ni Cortez upang itabla ang laro bago ang pag-ugong ng half time, 40–all.
Dikit pa rin ang duwelo matapos ang sagutan nina Phillips at Jake Figueroa ng mga tirada, 48–all, ngunit napihit nina Cortez at Andrei Dungo ang manibela patungo sa kanilang panig sa bisa ng magkasunod na layup, 61–55.
Binulaga ng mga taga-Jhocson ang Berde at Puting hanay nang simulan nila ang huling kuwarter sa bisa ng 10–0 run na pinangunahan ni Palacielo, 61–65, na mas pinalala pa ng opensa nina Figueroa at Reinhard Jumamoy na nag-ambag ng magkasunod na two-point basket, 75–77, bago tuluyang isalansan ni Omar John ang laro gamit ang isang marka mula sa free-throw line, 77–82.
Bunsod ng pagkarindi sa atungal ng Bulldogs, muling pagtitibayin ng Taft-based squad ang kanilang hangaring makasukbit muli ng panalo kontra University of the East Red Warriors sa SM Mall of Asia Arena sa ika-3:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 15.
Mga Iskor:
DLSU 78 – Phillips 15, Cortez 15, Baclaan 11, Pablo 8, Amos 7, Gollena 6, Macalalag 5, Abadam 4, Daep 3, Dungo 2, Nwankwo 2.
NU 82 – Figueroa 18, Palacielo 16, Francisco 13, Santiago 12, Jumamoy 8, Parks 6, Garcia 4, John 3, Manansala 2.
Quarterscores: 23–21, 40–all, 61–55, 78–82.