
NANGATOG ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa matayog na paglipad ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 58–77, sa unang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 5.
Nanguna para sa Taft-based squad si Tricia Mendoza na umukit ng 11 puntos, apat na rebound, at dalawang assist, habang nagtala naman si Mica Camba ng 11 puntos at limang rebound.
Sa kabilang banda, itinanghal na Player of the Game si Blue Eagle Camille Malagar tangan ang 13 puntos, tatlong rebound, at isang assist.
Nabulabog ang hanay ng Taft mainstays nang agarang bumida si Blue Eagle Malagar sa labas ng arko, 3–9, na sinubukang habulin ni Lady Archer Kyla Sunga sa bisa ng kaniyang mga free throw, ngunit hindi ito naging sapat upang tapatan ang tirada ni Ateneo guard Erica De Luna, 10–28.
Nagsanib-puwersa ang tambalang Camba at Eli Delos Reyes sa ikalawang kuwarter matapos umukit ng magkasunod na long-range shot, 17–30, at sumaklolo rin para sa DLSU si Aiesha Dizon upang makadikit sa kalamangan ng Loyola-based squad bago umugong ang hudyat ng halftime, 30–39.
Uminit ang duwelo sa 2nd half nang magpalitan ng three-point shot sina Mendoza at Malagar, 33–42, na ginatungan pa ni Lady Archer Xyla Lubrico ng short-range shot, subalit tuluyang kumawala ang mga agila sa tulong ng marka ni De Luna mula sa labas ng arko, 45–59.
Tuluyang namaga ang kalamangan ng Ateneo nang magsalansan ng magkakasunod na puntos si Season 87 Most Valuable Player Kacey Dela Rosa pagdako ng huling yugto ng tapatan, 46–68, na siya namang pinalagan nina Taft mainstay Delos Reyes at Mendoza, ngunit kinapos na ang luntiang puwersa at tuluyang bumitaw sa huling minuto ng laro, 58–77.
Susubukan namang anihin ng Lady Archers ang kanilang unang panalo kontra defending champions National University Lady Bulldogs sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ika-11:30 n.u. sa susunod na Linggo, Oktubre 12.
Mga Iskor:
DLSU 58 – Mendoza 11, Camba 11, Dizon 8, Delos Reyes 8, Sunga 5, Nofisat 4, Lubrico 3, Go 3, Villarin 3, Anastacio 2.
Ateneo 77 – Dela Rosa 15, Malagar 13, Oani 12, De Luna 11, Cancio 8, Villacruz 4, Batongbakal 3, Makanjuola 3, Lopez 3, Cruza 3, Olivenza 2.
Quarter scores: 10–28, 30–39, 45–59, 58–77.