
NARINDI ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa hiyaw ng karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles, 74–81, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 5.
Nagsilbing tanglaw para sa Green Archers ang scoring duo na sina Kapitan Mike Phillips at guard Kean Baclaan na pumorma ng pinagsamang 30 puntos.
Itinanghal namang Player of the Game si Ateneo one-and-done Dominic Escobar matapos magpamalas ng 15 puntos at siyam na rebound.
Sa pag-ihip ng unang kuwarter, nanlalamig na tirada ang umentrada para sa Green Archers nang rumatsada ng 7-0 run ang mga taga-Loyola Heights, ngunit nagpasiklab ng dalawang magkasunod na three-pointer sina Green Archer Earl Abadam at Baclaan upang isalba ang kampo, 11–14.
Hindi magmaliw ang mga yabag ng Taft mainstays pagdako ng ikalawang yugto ng sagupaan, na siya namang sinamantala ng Blue Eagles gamit ang pananalasa ng fade away jumper ni Escobar, 17–26.
Sumubok pang mamuhunan ang DLSU sa mga free throw at turnover ng karibal, ngunit nananatiling mainit ang mga galamay ni Ateneo forward Joshua Lazaro upang ibulsa ang 17 bentahe papuntang halftime, 19–36.
Sariwa mula first half, dinagundong ng beteranong si Phillips ang kort gamit ang slam dunk, 21–36, subalit itinarak ng Ateneo ang 12–0 run upang komportableng mamayani sa ikatlong kuwarter, 38–68.
Sa kabila ng paghihikahos, sinabayan ng Green Archers ang paggising ng pamayanang Lasalyano sa huling kuwarter sa bisa ng pagdanak ng pambihirang 19–0 run upang tapyasin ang kalamangan sa 11 puntos, 57–68.
Inangkin na ni DLSU point guard Jacob Cortez ang manibela sa pagpapatakbo ng laro, 69–77, ngunit nanatiling tuso sa pagsasayang ng oras ang Loyola-based squad at sinelyuhan ang klasikong tudlaan, 74–81.
Inamin ni Head Coach Topex Robinson sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nabasa ng Ateneo ang tiyempo ng DLSU upang masira ang ritmong kanilang nakasanayan.
“It’s gonna hurt, but life goes on for us,” pagtitiyak ni Robinson sa APP matapos bumagsak ang luntiang hanay sa 2–2 panalo-talo kartada.
Bunsod ng pagdausdos, pagsisikapang makabangon ng Berde at Puting hanay kontra National University Bulldogs sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ika-1:30 n.h. sa susunod na Linggo, Oktubre 12.
Mga Iskor:
DLSU 74 – Phillips 17, Baclaan 13, Cortez 10, Gollena 7, Amos 6, Pablo 5, Dungo 5, Daep 4, Abadam 3, Gomez 2, Marasigan 2, Quines 0.
ADMU 81 – Ladi 15, Escobar 15, Tuano 15, Lazaro 9, Espinosa 8, Espina 7, Bongo 4, Bahay 3, Adili 2, Lazo 2, L. Fjellvang 1.
Quarter scores: 11–14, 19–36, 38–68, 74–81.